Advertisers
Patay ang 5-anyos na batang lalaki at anim ang sugatan, kabilang ang mga menor de edad sa naganap na pagsabog sa isang pampasaherong bus sa Aleosan, North Cotabato, Martes ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Benjamin Solaiman, 5-anyos.
At ang mga sugatan kinilalang sina Rodolfo Castillo, 67; Masid Piang, 25; Haron Solaiman Sr., 24; Lester Bautista, 17; Yushra Solaiman, 3; at Haron Solaiman Jr., na 5 buwan gulang.
Sa report, naganap ang pagsabog sa loob ng Mindanao Star bus unit (body no. 15511) habang tinatahak nito ang Purok Narra, Brgy. Upper San Mateo, 8:15 ng umaga.
Tininawag ni Brig. Gen. Alexander Tagum, Central Mindanao regional police director ang insidente na isang “terrorist attack.”
Sinabi pa ni Tagum na hindi pa nadedetermina ang uri ng improvised explosive device (IED) na sumabog sa likuran bahagi ng bus.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, isang hindi kilalang lalaki ang sumakay sa bus na may dalang bag sa may bayan ng Kabacan at bumaba sa Pikit, na iniwan ang bitbit na bag sa bus.
“The regional police strongly condemns the cowardly terrorist attack against the innocent commuters. We hope for the fast recovery of the injured and be assured that those behind the bombing will face the full force of the law,” dagdag pa ni Tagum.
Sinabi ni Lt. Col. John Paul Baldomar, 6th ID spokesman, na galing Davao ang nasabing bus patungong Cotabato City bago naganap ang pagsabog sa bahagi ng National Highway malapit sa lumang munisipyo.
Dinala ang mga biktima sa Cotabato Regional Medical Center.
“Parang umalsa ang likuran ng bus pagkatapos ng explosion, wasak ang mga bintana ng bus,” pahayag ng isa sa mga pasahero.
Nakaligtas ang driver at konduktor ng naturang bus na si-yang isinasailalim sa imbestigasyon.
“Sa ngayon wala pang grupong nagki-claim ng responsibility. Undergoing investigation pa ito para malaman kung anong klaseng explosive ang ni-lagay sa likod ng bus,” wika ni Baldomar. (Mark Obleada)