Advertisers

Advertisers

LABAN KUNG LABAN

0 2,900

Advertisers

Pinid at alang puwang ang kababaang loob sa mga taong walang pagpapahalaga sa kapwa higit sa mga maliliit na tulad ni Mang Juan. Hindi kumikilala ng kamalian maging sa punto na nasa harap ang patunay, bagkus ilalayo ang usapin sa isyung nasa harapan ng mawala sa paningin ng bayan. Ang pagtanggi sa kamaliang ginawa’y ilalaban maging tustusan ng higit na malaking halaga ng ipakita ang kawalang kasalanan kuno kahit batid sa sarili ang salang gawa. Hindi kumikilala ng kamalian maging sa tungkulin na sinumpaan dahil sa minsang makamtan ng amang mapagmalabis ang panguluhan ng bansa. Sa nabanggit na dahilan,‘di sumulong ang buhay bagkus ipinagpatuloy ang salang gawa ng makamtan ang pwesto ng abalang pangulo. Ang palasak na pagmamalabis ang rason o dahilan sa pagtanggi sa salang gawa.

Ganap na ‘di makababa sa pedestal na tuntungan ang hitad ng kaTimugan na dahilan sa patuloy na panlulustay sa salapi ng bayan na tinuring sarili. Hindi inalis na tustusin ang pera ng bayan at gamitin sa programang kapaki-pakinabang sa mamamayan. Hindi naghahanap ng maling dahilan kung batid ang pinuntahan ng salaping inilaan ni Mang Juan sa tanggapang tinanganan. Sa halip, kung tamang pagtustos ang pinaggamitan alang pag-aatubili si Mang Juan na higit na palakihin ang pondo para sa higit na malawak na serbisyong bayan. Serbisyong bayan, wow mali, wala sa sistema ng kaTimugan ang salitang serbisyo sapagkat una ang sarili at hindi ang bayan. Ang maluhong paggasta at salang paggamit ng pera ni Mang Juan na ginamit upang ipanganak si Mary Grace Piattos at mga kapatid. Wala pakinabang si Mang Juan at tila may utang na loob pa sa abalang pangulo na labas pasok sa bansa sa pamamasyal. Ang salang paggamit sa pera ng bayan ang dahilan na nasilip ng mga kinatawang bayan na nagbunsod na maghain ng pagpapasipa sa abalang pangulo sa bugok na kapulungan.

Naihain ang pagpapasipa kay Inday Siba sa bugok na kapulungan, subalit, nabalam ng nabalam sa keso – kesong dahilan ni Forthwith ngunit sa dulo tila matutuloy ang pagdinig. Sa pagkabalam ng usapin sa bugok na kapulungan ‘di napigilan ni Inday Siba na ipahayag ang ngitngit sa mga kinatawang bayan sa malawak na kapulungan na ibig nitong magkaroon ng “blood bath” o pagdanak ng dugo. Sa usal ni Inday Siba, nahimasmasan si Keso at nagpahayag na ang pagkakaantala sa pagdinig sa hinaing pagpapasipa’y naganap sa bahay ng naghain. At kalakip ang maraming inupuan gawain sa mga unang bahagi ng taon o panahon na dahilan sa pag-ibato ng sisi sa malawak na kapulungan. Ang siste, nariyan ang patutsada sa malawak na kapulungan higit sa tagapagsalita na ‘di susunod o tatalima ang bugok na kapulungan sa ibig ng kabilang bahay. Galing ng dahilan ngunit walang bigat.

Sa pagkabalam ng pagdinig sa pagpapasipa kay Inday Siba, tila nakapaghanda ang hitad at nakapagtanong tanong kung sino ang makukuhang mga tagapagtanggol na haharap sa pag-uusig. At lumabas ang mga ngalan ng mga magtatanggol na “de campanilla” na tila handa sa laban na idepensa ang may salang abalang pangulo. Batid ang kagalingan ng mga abogadong magtatangol subalit higit na natuunan ang bayarin sa pagtatangol, magkano ang halaga ng pagtanggap at halaga kung mapawalang sala. Pangalawa, saan kukuha ng pambayad ang abalang pangulo gayong wala ito sa inilaan na pondo sa nasabing tanggapan. O’ sadyang balewala ang halaga dahil galing din sa bayan ang ipantustos sa pagdinig at pambayad sa mga tagapagtangol. At di pa kasama ang bilyong usapin ng abogado sa The Hague. Uulitin, pumatak man ang dugo, hindi titiklop ang hitad ng kaTimugan higit malaki ang puhunan na gagamitin na galing kay Mang Juan.

Sa pahayag ni Inday Siba na dadanak ang dugo sa pagharap sa pagpapasipang inihain ng malawak na kapulungan, tila tuwiran ang paghahamon na ‘di matitinag sa laban. Sa pagdaloy ng araw, lumabas ang mga ngalan ng magtatanggol sa abalang pangulo na masasabing may laman ang banta sa magaganap na pagdinig. Sa mahabang panahon ng pagkakaantala ng pagdinig, tila naka pag shopping ang hitad ng mahuhusay na abogado sa bansa. Batid ang kagalingan ng mga nakuhang abogado ngunit ang isang katotohanan ay ‘di matatakpan ng milyon milyong dahilan. Hindi yumuyuko ang isang katotohanan sa sino mang mahusay at may kakayanan magbayad ng katarungan. Malinaw ang nakasulat sa dingding ng bayan, panagutin si Inday Siba sa salang gawa.

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">

Ang hamon na pinangangalandakan ni Inday Siba’y na “Blood Bath”, tuwirang hinarap ng bayan ang hamon sa pagtungo sa tanggapan ng bulok na kapulungan na hinihingi na simulan ang pagdinig sa pagpapasipa sa abalang pangulo. Sa totoo lang, ‘di isa, dalawa o tatlong mga mahistrado ang naglabas ng pananaw sa usapin at nagkakaisa na dapat dinggin at panagutin ang may sala. Ang paglalabas ng mga sariling pananaw ang mga mahistrado’y tila na may nakikitang kahihinatnan ang hamon ng pagdanak, ang dugo ni Inday Siba.

Sa ilang kaisipang legal, maraming paraan upang panagutin si Inday Siba subalit ang isinulong na laban ang sadyang dapat sa ngalan ng saligang batas. Ang pagpapanagot sa abalang pangulo sa hukuman ng bugok na kapulungan ang hakbang na sinusunod ng saligang batas. Batid ang kalagayan na magaganap sa bugok na kapulungan, ang umasa na nasa tamang kaisipan ang mga huhusga ang siyang mananaig sa huli ng pagdinig. Umaasa na sa tama titindig ang mga senador sa ngalan ng kagalingan ng bayan. Ang katatapos na halalan ang patunay na ang pagdadala sa usapin ng abalang pangulo sa hukuman ng senado’y ang tamang hakbang at umaasa na makakamtam ang patas na pagdinig at pasya.

Ang makatuwirang pasya sa usapin ang inaasahan ng mga tatayong hukom higit sa pagnamnam sa mga ihahaing mga dokumentong magpapatunay sa salang gawa ng nasasakdal. At kung umabot sa salang paghuhusga sa huling bahagi ng pagdinig o ‘di makatarungan ang hatol na igagawad, ang hamon na “blood bath” ang papasanin ng bayan at ilalapit ang salang paghuhusga sa hukuman ng bayan. Hindi magpapatumpik tumpik si Mang Juan at tuwirang hihila ng mga kasama na ilalapit ang laban at laban kung laban sa pagkamit ng makatuwirang hatol. Sa hinatulan o hahatulan, ipababatid na ang huling hustisya’y nasa hukuman ng bayan at sisiguruhin na tama ang pasyang igagawad. At sa bugok na kapulungan, huwag alisin sa inyong pandama na kapag ang bayan ang humatol, dalisay ang pasya at gagalaw maging ang inyong upuan.

 

Maraming salamat po!!!!