Advertisers
NASA tatlo pang phreatomagmatic bursts ang naitala sa Taal Volcano noong Lunes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa kanilang report na inilabas nitong Martes umaga, sinabi ng PHIVOLCS na base sa kanilang pagbabantay mula alas-5:00 ng umaga ng Lunes hanggang alas-5:00 rin ng Martes ng umaga, nakapagtala ng phreatomagmatic burst bandang 9:30 ng umaga, alas-9:33 ng umaga at alas-9:46 ng umaga noong Lunes.
Walo namang volcanic earthquakes, kabilang na ang isang volcanic tremor, ang namataan sa paligid ng Taal na tumagal ng hanggang limang minuto.
Aabot naman sa 4,273 tonelada ng sulfur dioxide ang pinakawalan nito.
Nagbabala ang ahensya sa mga possible hazards ngayong nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 3 sa Taal, tulad na lamang ng posibleng biglaang explosive eruption, pyroclastic density currents o base surge, volcanic tsunami, ashfall, at accumation ng lethal volcanic gas.
Kabuuang 1,632 pamilya o 5,878 katao ang lumikas mula sa kanilang tahanan dahil sa pag-alboroto ng Taal, ayon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).