Advertisers

Advertisers

LUMALAYO ANG KINANG NINA MALAPITAN!

0 419

Advertisers

MALAKI ang paghanga ng inyong lingkod sa mag-amang Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan at anak nitong si First District Congressman Dale “Along” Malapitan ng naturan ding lungsod.

Dahil sa kanilang maningning na karera-pulitikal, ay malimit na laman ng ating pitak ang mga kaganapan sa nasabing lungsod lalo na ang mga di mapapantayan, makabuluhan at magagandang accomplishment ng mag-ama.

Sa darating na May 9, 2022 election ay nakatakdang magpalit sa kanilang puwesto ang mag-ama, pagkat ang matandang Malapitan ay matatapos na sa kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde. Kaya si “Along” naman ang napisil ng mga taga-Caloocan na tumakbo sa pagka-mayor.



Si Mayor Oca naman ang siyang tumatakbong Congressman ng First District ng Caloocan City. Binubuo ang Unang Distrito ng mga malalaki at populated areas ng Sangandaan, Bagong Barrio at Bukid Areas, kung saan ay mahigpit na pinapaboran na milya-milya ang magiging kalamangan sa pagka-kongresista ni Mayor Oca.

Sa katunayan nitong mga nakaraang mga survey ay halos di makita ang pigura na magiging boto at malaking kalamangan ni Mayor Oca sa kanyang di pa naman kilalang katunggali.



Si Dale “Along” naman ay kampante na rin na makukuha ang mayoral seat, anumang araw isagawa ang halalan. Sa pinakahuling pagtataya ng mga survey firm ay nakukuha na nito ng mahigit sa 70 percent na boto laban sa pinakamalapit nitong katunggali na si 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice na may 25% samantalang 5 porsiyento ang undecided.

Hangang-hanga maging ang ating mga staff, ilan pa nga sa miyembro ng pamilya ng mga ito ay botante sa Caloocan City ngayong May 9, 2022.



Kaya naman walang naililihim na mahahalagang pangyayari sa Lungsod ng Caloocan, laging nakasubaybay at binibigyan natin ng puwang sa ating pitak ang mga napakahahalagang impormasyon na dapat ay malinaw sa kanilang mga mamamayan.

Iisa ang kasagutan sa Performance Survey 2022 Election: Voters Preference for Metro Manila Congressman and Mayors- Oscar “Oca” Malapitan for Caloocan City First District Representative and Rep. Dale “Along” Malapitan for Caloocan City Mayor!

Ngunit may nakitang malaking banta at sagwil ang mga taga-Caloocan City sa dapat ay maaliwalas na pagtahak ng mag-mang Malapitan tungo sa kanilang inaasam na tagumpay .

Hindi laban sa personal na pagkatao ng mag-ama ang malaking isyung sumambulat sa Caloocan City kundi ang nakakaalarmang performance ng kanilang kapulisan.

Nauna ay ang pangingikil ng anim na Caloocan City Police sa isang vendor na nakotongan ng mahigit sa Php 14,000 matapos na taniman ang pobreng magtitinda ng shabu at akusahan ng pinagtahi-tahing kaso.

At higit sa lahat ay ang pagbabalik ng mga organisadong gambling operator na sangkot din sa kalakalan ng droga sa Monumento areas.

Tatlong vice operator na kinabibilangan ng isang alias Marissa, alias Junjun Mistica at Atieza ang nakapaglatag at may ilang buwan na ring nag-ooperate ng pasugal na color games, beto-beto, drop balls, sakla at iba pang labag sa batas na uri ng table at card games sa Samson Road, malapit lamang sa PNB at Victory Liner. Pinagkukutaan din ang mga lugal na ito ng mga drug pusher, holdaper, snatcher at iba pang elementong kriminal.

Sa halip namang lansagin ang operasyon at arestuhin ng mga tauhan ni Caloocan City Police Chief, P/Col. Samuel Mina ang mga naturang vices operator ay ilan pa sa mga ito ang hinihinalang “pumapatong” sa naturang drug/ gambling haven.

Ewan nga ba natin kung totoong “bulag at pipi” pa itong si Col. Mina, wala itong aksyon versus gambling vices na front ng droga sa kanyang hurisdiksyon.

Ang mga upasala at pag-aglahi ng mga taga-Caloocan City sa pamunuan ng PNP sa ilalim ni Col. Mina, ay liderato ng mag-amang Oca at Along ang nakokompromiso.

Ayon sa batas ay may “supervisory power and control” sa kanilang kapulisan si Mayor Along, kaya sa di pag-aksyon din ng mga ito, alalahanin lamang sana ng mag-amang Malapitan ang kasabihang ang “hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay?”

Matatandaang sa unang taon pa lamang ng panunungkulan ni Oca Malapitan bilang alkalde ng Caloocan City, ang dugyot na monumento area na tambayan ng mga iligalista at mga halang ang kaluluwa ay biglang napalitan at nabago.

Malimit pa nga ay napapa-wow ang dumaraang motorista at pedestrian doon dahil malinis maayos at tahimik na ang kapaligiran ng Monumento.

Panawagan natin sa mag-amang Malapitan, huwag na sanang ibalik pa doon ang madilim at nakapangingilabot na kahapon, kilos na, please, para huwag nang lumamlam ang inyong mga ningning sa Caloocan City…

***

Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.