Advertisers

Advertisers

Oliver malaki ang respeto sa LGBTQA community

0 402

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

SA story zoom conference ng pelikulang “Memories of a Love Story” , sinabi ng magaling na actor na si Oliver Aquino na napakalaki ng utang na loob niya sa award-winning director na si Jay Altarejos.
Si Direk Jay kasi ang unang nagtiwala sa kanya para makapagbida sa mga markadong pelikulang “Kasal”, “Tale of the Lost Boys,” “Jino and Mari”, “Love and Pain in Between Refrain,” at “Walang Kasarian ang Digmaang Bayan”.
Sa pelikula ring “Love and Pain in Between Refrain” siya nanalo ng kanyang first best actor (silver) award sa Filipino Arts and Cinema Festival sa Estados Unidos noong nakaraang taon.
Sa kanya namang makabuluhang pagganap bilang sex worker sa pelikulang “Jino and Mari” napansin ng prestihiyosong Gawad Urian ang kanyang brilyo kaya siya naging nominado noong taong 2020.
Kaya naman nang i-offer sa kanya ang role ni Eric, isang bisexual na anak-mahirap na na-involved sa gay at mayamang anak ng kanyang amo, hindi na raw siya nagdalawang-isip pa.
Aniya, sobra raw ang tiwala niya kay Direk Jay bilang mentor at alam niyang hindi siya pababayaan nito.
Katunayan, nagiging adviser din daw niya sa maraming aspeto ng kanyang buhay ang premyadong director.
Tungkol naman sa paghahanda sa kanyang role, gagawan pa raw niya ng character sketch ito dahil wala pa siyang ideya kung paano bibigyan ng panibagong atake ang kanyang papel sa bagong obra ni Direk Jay.
Nang maurirat naman siya kung paano siya nakaka-relate sa tema ng bago niyang movie, aniya, may hindi raw siya makakalimutang alaala ng kanyang nakalipas na pag-ibig.
Ito raw iyong babaeng naging girlfriend niya before pero sa kung anong kadahilanan ay nagkahiwalay sila.
Nakatanggap na lang daw siya ng imbitasyon sa kasal nito.
Noong 2019, nang ikasal ito, nalungkot daw siya dahil ito iyong tipo ng babaeng gusto niyang makatuluyan.
Pero nang makita raw niyang masaya naman ito sa kanyang magiging estado, doon na rin daw siya nakaramdam ng feeling of relief at doon siya nagsimulang mag-move on.
Related naman sa tema ng pelikula, natanong din siya kung ano ang magiging reaksyon kung ang best friend na isang gay ay mag-out at magpahayag ng pag-ibig sa kanya.
Ani Oliver, kung mangyayari raw iyon sa kanya at kaibigan niya iyong tao, tatanggapin daw niya ng buong puso ang pagkatao nito.
Wala rin daw siya sa posisyong pagsabihan ang gay best friend na itigil kung anuman ang nararamdaman sa kanya dahil para sa kanya, love is genderless.
Pero, ipapaliwanag daw niya rito na bagama’t sinusuportahan niya ang pag-a-out nito ay hindi niya magagantihan ng romantic love ang anumang feelings nito.
Puwede pa nga raw na tulungan niya ito na hanapan ng iba na mas magiging karapat-dapat sa pagtingin nito.
Ang “Memories of a Love Story” ay kuwento ng star-crossed lovers na muling pinagtagpo pagkatapos na maghiwalay ng mahabang panahon.
Naging test ang kanilang pagkikita upang madiskubre nila kung talaga bang may puwang pa ang nakaraang pag-ibig sa kanilang mga buhay sa kasalukuyan.
Ang “Memories of a Love Story” ang muling pagsasama nina Oliver Aquino at Migs Almendras na huling nagbida sa BL movie na “Lockdown.”
Tampok din sa pelikula sina Dexter Doria at Josh Ivan Morales. Ang pelikula ay kukunan simula sa Mayo 8.