Advertisers
NAGPAKITA nang pagiging maginoo si Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno matapos na mag-concede na at tanggapin ang kanyang pagkatalo sa May 9, 2022 presidential race.
Binati rin naman ni Moreno si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa landslide victory na nakamit nito.
“Mayroon na pong pinili ang bawat Pilipino. Nais kong batiin si dating Sen. Bongbong Marcos. Binabati ko ang pamilya ni dating Sen. Marcos sa pagpili sa kaniya ng higit na nakararami bilang hahalinhin na pangulo ng ating bansa,” ayon pa kay Moreno nitong Martes ng hapon.
Kasabay nito, nanawagan rin si Moreno sa mga mamamayan na suportahan ang administrasyong Marcos at Duterte at gawin ang tungkulin bilang mga mamamayang Filipino.
“Hindi magtatagumpay si President-elect Bongbong Marcos at VP-elect Sara Duterte… kung tayong mga mamamayan ay hindi magkakaisa… Let us support the new leadership. Let us congratulate them and let us do our part as citizens,” ayon pa kay Moreno.
“Tayong mga mamamayan ay may responsibilidad na makiisa sa administrasyon… wag tayo makibahagi sa mga alingasngas o gulo… Para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nagkakaisa,” dagdag pa niya.
“Life must go on. Katulad po ng ipinangako ko noon sa inyo, hanggang sa kahuli-hulihang araw ko po bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ay magtratrabaho po ako,” pagtiyak pa niya. (ANDI GARCIA)