Advertisers

Advertisers

‘PAG SI MIKEY NAUPO SA DOE; BAYAN ANG DEHADO

0 1,643

Advertisers

MARAMI ang nagtataas ng kilay…, dangan naman kasi e tila may mali sa napipintong pag-upo bilang ENERGY SECRETARY ng artistahing anak ng isang FORMER PRESIDENT.

Dapat kasi, pag-isipang mabuti ni INCOMING PRESIDENT FERDINAND MARCOS JR. ang paghirang kay MIKEY ARROYO sa DEPARTMENT OF ENERGY epartment (DOE).., lalo pa’t may pagdududa sa kanilang motibo sa pwesto ayon sa progresibong consumer group na UNITED FILIPINO CONSUMERS AND COMMUTERS.

Para kay RODOLFO “RJ” JAVELLANA na tumatayong pangulo ng UFCC.., “BAD NEWS” kung itatalaga ang batang ARROYO sa departamento na ang mandato’y protektahan at isulong ang kapakanan ng mga konsyumer sa public utility services.



Hindi.man natin kilala itong si RJ.., pero sa mga nakalipas na panahon, nakita ang kanyang paninindigan sa isyu ng public utilities. Isa sa kanyang agresibong isinusulong – ibalik sa gobyerno ang pangangasiwa sa energy industry.

Hamon ni RJ kay MARCOS, tupdin ang Article 12, Section 17 at 18 na babawi ng kontrol ng mga bilyonaryong oligarko sa serbisyo ng kuryente, tubig, toll roads at iba pa. Aniya, ito rin ang tamang landas para maisakatuparan ng susunod na Pangulo ang pangakong pagbaba ng buwanang singil sa kuryente.



Sa napabalitang pag-upo ni MIKEY ARROYO sa DOE, nalagay sa kompromiso ang tsansa ng PRESIDENTENG makatupad sa pangako. Ganun din ang nangyari nang italaga ng pa-retirong PRESIDENTE si ALFONSO CUSI sa DOE.

Bagamat wala pang kumpirmasyon ang kampo ni MARCOS hinggil sa pwesto ng ENERGY CHIEF, nanawagan si RJ, — ibayong pagbabantay sa DOE, kasabay ng sabayang pagtutol sa nagbabadyang pag-upo ng politiko sa departamentong para lang sa mga tunay na eksperto.



Eto pa, di rin pala kalinisan ang rekord ng batang ARROYO. Taong 2009 nang nabisto ang di niya pagdedeklara ng P63.7-milyong halaga ng BEACH PROPERTY sa SAN FRANCISCO BAY AREA (US) na kanyang binili (at inilipat sa pangalan ng misis niya) sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.

Ang nakakatawa, aminado siyang donasyon sa kampanya at perang regalo ng ninong/ninang nila sa kasal ang pinambili sa naturang property.

Sabit din siya sa P73.85-million tax evasion case na inihain ng BUREAU OF INTERNAL REVENUE dahil di nagsumite ng income tax return taong 2005, 2008 at 2009 – panahong PRESIDENTE pa ang kanyang inang si GLORIA MACAPAGAL-ARROYO.

Isa rin siya sa 70 Kongresistang nagpasara ng ABS-CBN.

Diskumpyado rin ang ilang energy players sa pagtatalaga kay MIKEY bunsod sa diumano’y interes ng ARROYO FAMILY sa ABOITIZ POWER, isang pribadong energy company.

Huwag umasa sa pagbabago kung patuloy ang pagsasamantala sa mga PILIPINONG KONSYUMER ng mga oligarko at mga kasosyong politiko sa negosyo.

Bantay-sarado ka MIKEY ARROYO!

***

Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.