Advertisers
PATAY na at walang saplot nang makita ang katawan ng isang pitong-taon gulang na babae sa bakanteng lote sa Torrijos, Marinduque.
Sa ulat, nakita ang bangkay ng bata noong Sabado ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam ang bata sa kanilang mga magulang na manonood ng basketball noong Biyernes. Pero hindi ito nakauwi ng kanilang bahay kinagabihan. Gayunman, hindi kaagad nag-alala ang kaniyang mga magulang sa pag-aakalang nasa kamag-anak lang siya.
“Wala nang saplot, hubo’t hubad siya. Matapos yung kaniyang suot, nakapulupot sa leeg yung kaniyang damit, ‘yon ang pinangpatay sa kaniya,” ayon kay Police Lieutenant Van Constancio, hepe ng Torrijos Police.
Batay sa pagsusuri ng duktor, sinabi ni Constancio na ang pagsakal ang ikinamatay ng biktima at positibo ring hinalay ang bata.
Ayon pa kay Constancio, galing sa ibang bayan ang mga magulang ng bata at sanay silang nanonood ng basketball ang kanilang anak.
“Mayroon kasing palaro, ang anak na ito ang alam natutulog sa pinsan kaya kompiyansa sila. Pero naghanap din ang mga magulang hanggang alas 12 kaso umulan kaya tumigil na, ipinagpabukas. Nang mag-report nga sila umaga kasi nga inisip nila baka nandun sa pinsan,” patuloy ng opisyal.
Kinahapunan ng Sabado, sumuko sa pulisya ang suspek sa karumaldumal na krimen. Residente rin sa barangay ang suspek at kakilala ng biktima.
Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang krimen. Lasing daw ito at pauwi na nang makasalubong nito ang biktima na mag-isang naglalakad. Kinuha umano niya ang bata at dinala sa bakanteng lote at doon isinagawa ang karumal-dumal na krimen.
Noong nakaraang linggo lang, isang bata rin na 5-anyos ang hinalay at pinatay ng kaniyang kapitbahay sa Batangas.