Advertisers
PINASINUNGALINGAN ng management ng New Era General Hospital ang istoryang isinulat ng correspondent ng pahayagang ito (Police Files Tonite) tungkol sa pasyenteng dinala sa naturang ospital na hindi umano tinanggap dahil walang pang-downpayment noong Agosto 29, 2021.
Ayon sa statement ng ospital, ang pasyente na si Tita Zaragoza ay dinala sa NEGH Agosto 29, 2021 bandang 4:00 ng umaga. Sinuri ito ng physician-on-duty at inobserbahan ang kawalan nito ng heartbeat at blood pressure. Pagkatapos ng ilan pang pagsusuri, nakumpirma na ang pasyente ay “dead on arrival” sa pagamutan.
Wala rin, anito, sa mga tauhan ng ospital ang nag-demand ng kahit magkanong halaga mula sa pamilya ng pasyente para ma-admit sa pagamutan, at hindi rin nila tinanggihan ang pasyente na suriin ito nung oras ding iyon.
Ang kanilang mga manggagamot at medical staff ay walang pagod nagtatrabaho para sa pagserbisyo sa mga tao, lalo na nung kasagsagan ng pandemya. Kaya’t ayaw nilang masira ang kanilang reputasyon dahil sa lumabas na artikulo na isinulat ni Edwin Moreno.
Ang ‘demand letter’ nina Atty. Alfierri E. Bayahan at Atty. Catalino L. Castillo Jr. para sa NEGH ay sinuportrahan ng mga salaysay ng staff ng pagamutan na sina Nancy R. Benitez, admitting clerk; at Julienil D. Cabarobias, cashier ng ospital; at Dr. Eileen Joyce T. Gimeno, ang doctor-on-duty na sumuri kay Zaragoza.
Editor: Matapos namin mabasa ang demand letter ng NEGH at mga salaysay ng mga staff at doctor-on-duty na sumuri sa pasyenteng si Zaragoza, kami ay humihingi ng paumanhin sa pagkaka-publish sa naturang artikulo (“Misis inatake sa puso, tinanggihan ng 13 ospital, natuluyan) na lumabas Setyembre 13, 2021, nang hindi namin nakuha ang panig ng NEGH dahil narin sa paghahabol ng deadline ng pahayagan at kakulangan din namin ng staff para mag-verify ang mga detalye noon. Dahil ang ibang staff namin ay work from home noon, kungsaan nasa Alert Level 3 pa ang Metro Manila.
Hindi rin namin natanggap ang demand letter ng NEGH dahil ang opisina ng Police Files Tonite ay matagal nang nakalipat sa ground floor, hindi sa 3rd floor (Rm 301) kungsaan naka-address ang sulat. At ang demand letter na naka-address kay Joey Venancio ay nangyari na nasa probinsiya ang huli na kandidato noon sa lalawigan ng Romblon. Nakabalik lamang ito ng Maynila pagkatapos ng eleksyon.
Samantalang si Moreno ay bihira lang pumupunta sa opisina. At hindi empleyado ng PFT si Edwin Alcala.
Ang Police Files Tonite, na 18 years na sa sirkulasyon, kailanman ay ‘di naging bias. Pinangangalagaan namin ang aming kridibilidad at binibigyan ng puwang ang paliwanag ng aming mga nailalathala. Ang aming contact number ay 09193297810 at email add venanciojoey@gmail.com.