Advertisers
Arestado ang isang aktibong pulis nang gahasain ang isang babae sa isang motel sa Pasig City.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si PCol. Mario Maramag, 41 anyos, at nakatalaga sa Market Detachment Unit ng Pasig City Police Station.
Ayon sa salaysay ng 29 anyos na biktimang si alyas “Sheena”, nagpatulong siya kay Maramag para magpadala ng mga gamit niya sa probinsya.
Matapos siyang tulungan, dinala siya ng pulis sa motel at doon na naganap ang panggagahasa.
Sinabihan pa umano siya ng suspek na huwag magsumbong kahit kanino pero matapos ang insidente, dumiretso ang biktima sa police station.
Boluntaryo namang sumuko sa Sub Station 2 ng Pasig PNP si Maramag kung saan ito nakakulong at nakatakdang sampahan ng kaukulang reklamo.
Samantala, ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Felipe Natividad ang agarang imbestigasyon sa kasong rape na kinasasangkutan ni Maramag.
Sa pahayag nitong Miyerkules, tiniyak ni Natividad na ang suspek na si Cpl. Maramag, parurusahan nang naaayon kung napatunayang nagkasala sa akusasyon.
“We will never allow the police to be abusive and freely do bad things, especially to civilians. We will not stop anyone, no matter who you are, if something is done against the law, we will make sure that they pay for it,” sabi ni Natividad.(Jocelyn Domenden)