Advertisers
May katanungan na kailangang masagot: Bakit kailangan ng confidential funds, kasama na ang P500 million para sa Office of the Vice-President, sa gitna ng financial crisis?
Ito ang tanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel noong Huwebes, Nobyembre 10, matapos humirit ang gobyerno ng confidential at intelligence funds na lomobo ng P9.3 billion sa proposed P5.268 trillion national budget para sa taon 2023.
Sa panayam ng Teleradyo ng ABS-CBN, pinuna ni Pimentel ang P500 million confidential funds na ibinigay sa Office of the Vice President ni Sara Duterte-Carpio, P150 million sa Department of Education na pinamumunuan parin ni VP Sara, at P19.2 million sa Office of the Solicitor General (SolGen).
Sabi ni Pimentel, ang mga nakaraang OVP ay nagkaroon lamang ng P5 million allocation, hindi P500 million, para sa confidential funds 10 taon na ang nakararaan.
Say ni Pimentel, ang practice ng pagkaloob ng confidential at discretionary funds sa mga tanggapan ng gobyerno na walang kinalaman sa seguridad ay dapat i-discourage dahil nagiging taunang alokasyon na ito. Mismo!
“Hindi magandang practice yung confidential and intelligence funds dahil hindi naman nili-liquidate ng maayos,” sabi ni Pimentel. “Ang liquidation niyan ay nakalagay lang sa selyadong sobre. Akala ko ba nasa krisis tayo, nasa food crisis, learning crisis, education crisis, power and energy crisis? Inflation? Imbes na gastusin na ipapasok mo lang sa isang sealed envelope na walang nakakaalam kungsaan mo linagay, ilagay na lang natin sa food production. Ilagay natin sa pag-aaral ng kabataan.”
Malaki ang tama rito ni Pimentel.
Ang confidential at intelligence funds ay dapat lamang sa mga ahensiya na ang mandato ay ang magmanman, mangalap ng mga impormasyon para sa seguridad ng mamamayan o ng bansa sa kabuuan tulad ng Department of National Defense, National Bureau of Investigation (NBI) ng Department of Justice, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang OVP ay hindi na dapat magkaroon ng intel o confidential funds lalo’t ang Office of the President ay mayroon ng higit P4-B intel fund.
Ang OVP ay “spare tire” lang ng gobyerno. Hindi na ito dapat magkaroon pa ng napakalaking intel o confidential funds dahil walang function ang tanggapan na ito. Nandiyan lang ito para sakaling mawala o maging inutil ang Presidente ay siyang legal na papalit sa puwesto.
Sabi ni Pimentel sa OVP ni Sara, DepEd ni Sara parin, at OSG confidential funds: “Wag niyo na umpisahan.”
Dahil ang pagkaloob ng confidential o intelligence funds sa mga ahensiya na hindi naman nagsasagawa ng surveillance at intelligence information gathering activities ay magiging kasanayan, dahilan ng marami pang kahilingan sa mga susunod. Mismo!
“Baka may ibang ahensya na makaisip na… ‘Eh yung iba nga binigyan’…lahat nalang magiging confidential fund o discretionary fund,” diin ng Bar topnotcher Senador.
Nag-umpisa itong malalaking intel at confidential funds sa nakaraang administrasyon ng ama ni VP Sara na si ex-President Rody Duterte.
Oo! Ang mga nakaraang administrasyon, mula pa sa ama ni President Bongbong Marcos, Jr. ay hindi nagkaroon ng bilyon bilyong intel/confidential funds.
Ang intel o confidential funds ay walang auditing. Hindi malalaman ng publiko kung saan ito nilustay ng opisyal.