Advertisers

Advertisers

8-anyos patay sa bugbog ng tiyuhin at kinakasama

0 211

Advertisers

NASAWI ang isang 8-anyos batang lalaki nang maltratuhin ng tiyuhin at kinakasama nito sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si John Mark Gascon.

Sa ulat, binawian ng buhay si John Mark makalipas ang ilang araw na pagkaka-confine sa isang ospital dahil sa mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang maltratuhin ng kaniyang tiyuhin at kinakasama nito noong November 8.



Nahuli ang tiyuhin ng biktima na nakilalang si Rodney Lucas at ang kinakasama na si Hasan Capuchino.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), dinakip nila ang dalawa nang i-report ng isang concerned citizen ang ginagawa ng mga ito sa bata.

Sinabi ng dalawang kapatid ng biktima na sinasaktan din sila ng tiyuhin, at minomolestiya rin ng kinakasama nito.

Aminado si Capuchino sa ginawang pananakit kay John Mark na naging sanhi ng kamatayan nito, pati na ang pagmomolestiya sa mga kapatid na babae ng biktima.

Iginiit naman ni Lucas na hindi niya sinasaktan ng labis ang kaniyang mga pamangkin kapag dinidisiplina niya ang mga ito, pero wala aniya siya sa bahay nang mangyari ang pananakit kay John



Mark at hindi rin alam maging ang iba pang ginagawa sa kaniyang pamangkin.

Lumitaw sa imbestigasyon ng QCPD, dinala pa ni Capuchino si John Mark sa ospital matapos ang ginawang pambubugbog ngunit sa halip na sabihin sa mga doktor ang totoong kalagayan ng bata ay nagsinungaling ito, kaya ilang araw lamang ang lumipas namatay ang bata.

Makailang beses na umanong nangyari ang pananakit sa biktima at sa mga kapatid nito, at nabatid din na halos isang taon na sa kanilang pangangalaga ang mga bata.

Ayon sa ama ng biktima na si John Paul Gascon, inakala niya na maayos ang lagay ng kaniyang mga anak sa piling ng kaniyang mga kamag-anak sa Isabela, ngunit kinuha pala ito ni Lucas at dinala sa Quezon City. Desidido rin itong sampahan ng kaso ang kaniyang bayaw at ang kinakasama nito.

Sa ngayon, nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga sa Quezon City ang dalawang kapatid na babae ni John Mark upang sumailalim sa counseling, bunga na rin ng tinamong trauma ng mga ito at i-a-asses din ng social welfare department ng Quezon City kung maaari na silang kunin ng kanilang ama.

Sasampahan ng kasong murder, direct assault at paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang dalawang salarin.