Advertisers
TULAD ng ipinakita at ginawa noon ni Chinese President Xi JinPing kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ito ay nagbabait-baitan lang; nilalansi lang niya si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at ito rin ang ginawa ni Xi kay dating US President Barack Obama noong 2016 at ginagawa rin niya ngayon kay President Joe Biden – na nangako na hindi magtatayo ng naval and military bases sa South China Sea, na ang tawag ngayon ay West Philippine Sea (WPS).
Noong Hunyo 2018, sa kabila ng mahigpit na pagkakamay nina Xi at Duterte bilang magkaibigang lider, at pagselyo ng Philippine-China Friendship, nagtayo ang China ng mga base-militar sa lugar sa mga isla ng Spratley at bahura na sakop ng ating teritoryo sa WPS.
Maliwanag na nagoyo ni Xi si Duterte, di ba dear readers?
Natatandaan ko, paulit-ulit na sinabi ni Xi kay Obama at sa pamunuan ng Pilipinas noon na ang South China Sea ay teritoryo ng China simula pa sinaunang panahon.
Pamana raw ito ng kanilang ninuno at hindi siya papayag na sinoman ay makialam sa soberanya, sa karapatan at interes ng mga Chino sa South China Sea – at ito ay lantarang ginagawa ni Xi noon pa man at hanggang ngayon, at ano ang ginagawa natin?
Nanonood lang tayo, naghihimutok, nagtatagis ang mga bagang natin, nagpo-protesta tayo, nagsusunog ng Chinese flag at mga diplomatic protest na ibinabasura lamang ng China.
***
Sabi noon ng mga kritiko ni Duterte, tuta raw ng China si Duterte, at sa panahon ngayon ni BBM ay ganoon rin ang kantiyaw at sinasabi ng kanyang mga kritiko na, bakit mas pinili muna ni Pangulong Marcos na manahimik kaysa maglunsad ng armadong paggiit sa karapatan natin sa mga isla sa WPS.
Aminin natin, may katotohanan ang pahayag ng Pangulo, sa ngayon, wala tayo kung lakas sa digmaan ang magiging solusyon kung aangkinin natin ang WPS.
Pero hanggang kailan natin paninindigan ang independent foreign policy natin sa harap ng tuloy-tuloy, lantarang “pananakop” ng China sa ating bansa.
Kasi itong mga kritiko ngayon ni BBM, sa kakulangan ng matinong argumento upang paudyukan ang Pangulo na ipaglaban ang panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands, nagpakalat pa ng mga kung ano-anong tsismis na kesyo tutang-tuta na ng China itong si PBBM.
***
Alam naman natin na ang tunay na target ng China ay ang maraming yamang langis at iba pang mineral sa WPS at yan ang dahilan ng panlalansi na “kaibigan” tayo at pagsasamantala sa ating kahinaan at “kainutilan” ng ating gobyerno.
Mayroong 200 trilyong talampakang bukal ng natural gas, bukod ang mina ng langis at sandamakmak na trilyon-trilyong dami ng mga isda at yamangdagat sa ating teritoryo.
Sinasakop ng China ang WPS upang siya ang maghari sa international waters sa Southeast Asia kasi mahalagang ruta ito ng negosyo at transportasyon.
Sa tantiya ng mga expert last year, nasa US $6 trilyon ang kalakalang dumadaan sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Kung masosolo ng China ang rutang ito, maipakikita niya sa mundo, lalo sa US na mas malakas siya, at ang epekto nito, hihina ang presensiya ng US sa rehiyon ng Aisa-Pacific.
Hindi naman pumapayag si US Presient Joe Biden kaya panay ngayon ang pagpapapogi niya kay PBBM sa pamamagitan ng pagpapakita na handa ang US na “makialam” kung kailangan at may sumiklab na digmaan sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea – na inaangkin din ng Vietnam, Indonesia, Brunei, Taiwan at Indonesia.
***
Tulad ng ibang bansa, nakalubog tayo sa utang sa China sa panahon pa ni Cory Aquino, patuloy hanggang kay Noynoy at hanggang kay Duterte, noong 2016, umabot sa US$24-B ang inutang ng Pilipinas para tustusan ang “Build-Build-Build” project niya.
Perang China rin ang iponondo noon sa Chico River Pup Irrigation Project (US $60-M), New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project at sa North-South Railway Proejct-South Line.
Ang kapalit nito noon: POGO, at ang Dito Telecommunications Corp na ipinangtapat o inilaban sa Smart at Globe.
Tila sa panahon ngayon ni BBM ay patuloy na inuuto at nilalansi ito ni Xi.
***
Naglalaro ba ang Marcos administration sa “apoy” sa isyu ng WPS?
Habang nagpapakita ito ng mabuti sa China, unti-unti, ibinabalik at pinasisigla niya uli ang relasyon sa US.
Mapanganib ito dahil dalawang imperyalista ang kinakalong niya: Sosyalistang Imperyalistang China, at militarista-imperyalistang US – na kapwa ang nais ay kontrolin ang Pilipinas at gawing makabagong “kolonya.”
Dapat na maintindihan ni BBM na bilang lider, siya ang manguna sa pagtindig laban sa paglabag ng China sa ating teritoryo, at kung ito ang makikita, lahat ng sambayanang Pilipino ay sasamang maninindigan para sa ating tunay na pambansang kalayaan.
Dapat na igiit ang pagpapalayas sa mga itinayong artipisyal na isla sa ating teritoryo at piliting magbayad ang China sa pinsala sa ating kalikasan at yamang dagat na winasak ng mga instalasyong militar sa mga bahura ng ating karagatan.
Marami pa tayong maaaring gawin, at ito na ang simula ng pagtindig natin bilang isang tunay na malayang bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com