Advertisers
SAMU’T-SARING komento na ang lumabas mula sa mga kababayan natin patungkol sa panukalang Maharlika Wealth Fund sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bagaman wala pang umuusad sa Senado.
Sinasabing inaapura ito ng mga kaalyado ng kasalukuyang administrasyon na kung totoo man ang bintang ay naturalmente lamang dahil mayroong tinatawag na ‘priority bills’ ang bawat administrasyon.
Bawat administrasyon ay may kanya-kanyang prayoridad na panukala upang maging batas nang sa gayon ay magawa nito ang mga programa o proyekto na itinuturing na mahalaga para sa kapakanan ng taumbayan.
Naniniwala akong marami sa ating mga kababayan ang nanibago sa bagong termino na Maharlika Wealth Fund na ang paunang gagamitin [daw] na pondo ay mula sa kontribusyon ng mga manggagawa sa mga ahensiyang pang-seguridad.
Hindi na ito bago sa gobyerno. Tulad din ito ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na unang ipinatupad sa Pinas noong administrasyong Arroyo.
Ang 4Ps ay hango o una nang ipinatupad sa ibang bansa para tugunan ang problema sa kahirapan. Sa pagpapatupad ng programang ito ay natunghayan ang tagumpay ng gobyerno kaya naman siguro kinopya ng Pinas.
Ganito rin naman ang naturang panukalang batas na mayroon na sa ibang bansa tulad na lang sa bansa ng Singapore na ang tawag naman doon ay Sovereign Wealth Fund na kinakitaan din ng tagumpay gaya ng 4Ps.
Ang tawag sa wikang Ingles ng mga ganitong kilos na kinokopya o ginagaya ay ‘Best Practice’ na sinasamahan pa ng tinatawag na ‘Benchmarking’ na madalas maging resulta ng pagpapalitan ng kuro-kuro ng mga lider sa mga ginaganap na pulong.
Ibig sabihin lang ng EKSPERTO, kung ang pangamba lang ng marami ay nang dahil sa ito ay bago sa tingin o pandinig ay masasabi kong kalma lamang kayo dahil luma na ang programa o konsepto na ito na gagayahin lang ng Pinas.
Ngayon kung ang pangamba naman ay korupsiyon na posible [raw] maganap sa nasabing panukalang pondo ay ibang usapan naman iyan. Basta maganda ang naging implementasyon sa ibang bansa kaya nais marahil itong ipatupad sa Pinas.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com