Advertisers
IPINASISILIP na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang napaulat na pagdukot sa dalawang human rights activist at development workers sa Cebu City kamakailan.
Nauna nang nai-report ang pagdukot kina Dyan Gumanao at Armand Dayoha ng ilang kalalakihan na ‘di umano’y mga pulis at ang video na ito ay kumalat sa social media.
Ayon kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, basta’t may mga notice o impormasyon ay pakikilusin na ang NBI.
Hindi naman naglabas ng iba pang impormasyon ang kalihim dahil kailangan pa aniya nitong alamin ang detalye para maipaalam sa NBI.
Sinabi naman ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na tiyak na NBI ang magsisiyasat sa insidente lalo mga pulis ang sinasabing sangkot.
Nabatid na nagpakilala umanong mga pulis ang mga salarin na nakita sa video na sapilitang isinasakay sa kotse ang magkasintahan sa pier sa Cebu City. Pinalaya ang mga biktima nang mag-viral ang video.
Pagkaraan ng limang araw, natagpuan ang mga biktima sa bayan ng Carmen sa Cebu nitong Linggo, mahigit 41 kilometro mula sa Cebu City.
“Ano ba ‘yung batas? Kung nakita naman nila na nag-violate ang mga bata, kung may kasalanan man sila, meron tayong rule of law. Bakit hindi sila arestuhin at sampahan ng kaso,” diin ng ama ni Dyan na si Danilo Gumanao.
Sumasailalim umano sina Dyan at Armand sa medical intervention matapos umanong ma-trauma.
“Sa allegation na mga pulis po ang involved dito, kasama po ‘yan at bahagi po ‘yan ng ating gagawing investigation,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Pinapasilip na rin ng Cebu Port Authority sa kanilang security department ang kanilang mga CCTV footage sa pantalan at sinabing makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.