Advertisers
NAISIPANG i-barter ng isang ama sa Naga City ang mga alagang manok kapalit ng cellphone na gagamitin ng mga anak sa online class.
Ito’y sa harap ng nalalapit na pasukan, kung saan blended learning mode ang gagamitin dahil bawal pa ang physical classes habang patuloy ang banta ng COVID-19.
Pagbebenta at pag-aalaga ng mga kuneho ang pinagkakakitaan ng 46-anyos na si Rommel Enriquez habang tindera ng prutas ang kaniyang misis.
Aminado si Enriquez na ngayong panahon ng pandemya, mahirap para sa kanilang mag-asawa ang gastusin at ang sistema ng online education.
Para magkaroon ng smartphone ang kaniyang mga anak, naisip niyang i-barter ang tatlo niyang alagang manok.
Ipinost niya ito sa online barter community sa social media, na patok ngayon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Naantig ang puso ng mga netizen na nakakita sa post ni Enriquez at may mga nag-alok ng tulong at gustong magbigay ng cellphone kahit wala nang kapalit.
“May nag-pledge po na dalawa, within this weeks daw po. ‘Di ko po inaasahan na ganun ang magiging reaksyon ng mga nakakita ng post ko,” ani Enriquez.
Apat na lalaki na pawang nasa grade school ang mga anak ni Enriquez.
Labis ang pasasalamat ni Enriquez sa mga nagpaabot ng tulong sa kaniyang pamilya. Tinanggihan narin niya ang iba pang nag-alok na magbigay ng cellphone. Itulong nalang daw ito sa iba pang nangangailangan.
Sapat na aniya ang dalawang smartphones na gagamitin ng 4 na anak.(PTF team)