Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng public utility drivers sa lungsod na huwag maningil ng sobra sa mga pasahero lalo’t nasa gitna pa tayo ng pandemya.
Ang panawagan ni Moreno ay kaugnay ng mga natatanggap niyang reklamo na may mga tolongges na drivers ng pedicabs at tricycles na naniningil ng sobra sa itinakdang pamasahe ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Moreno, ay dati rin siyang driver ng pedicab pero ‘di siya nanloko ng kanyang pasahero at nag-hanapbuhay siya ng parehas.
“What goes around, comes around. Matakot po tayo sa karma. Hindi po maganda na tayo ay nanlalamang ng ating kapwa, lalupa’t tayo ay nasa gitna ng pandemya,” sabi ng alkalde.
Dahil dito ay inatasan ng alkalde si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje na kausapin at bigyan ng babala ang mga nasabing driver na nagsasamantala sa kanilang pasahero.
Ayon kay Moreno, ang mga drivers ay dapat na maningil lamang ng P20 sa unang kilometro at karagdagang P5 kada kalahating kilometro.
“Hindi po tayo tolongges o naging abusado noong tayo ay isang pedicab driver kaya naman ang pakiusap ko po sa mga drayber ay sundin ang itinakdang fare rate sa ating mga pedicab at tricycle,” pahayag pa ni Moreno.
Ipinaalala din ng alkalde na bawal ang pangongontrata at hindi papalagpasin ang anumang uri ng pang-aabuso, sabay sa pakiusap na maging mapangunawa lalo na sa panahon ng kagipitan
Iginiit ni Moreno na tulad din ng mga drivers, ang mga pasahero ay hirap din sa pera dahil kung hindi sila naghihirap ay kotse ang sasakyan ng mga ito. (ANDI GARCIA)