Advertisers
PERSONAL na dinaluhan at inayudahan ni Senador Christopher “Bong” Go ang may 1,837 pamilya na binubuo ng 7,984 indibidwal na sinalanta ng bagyong Ulysses sa magkahiwalay na distribution activities sa Marikina City.
Pinayuhan ng Senador ang mga biktima ng bagyo na huwag panghihinaan at mawawalan ng loob sa pagsasabing malalampasan din ang mga dumaang pagsubok.
“Kumusta kayo? Alam ninyo, alam ko pong nahihirapan kayo sa ating sitwasyon ngayon. Dala-dalawa ang problema natin. Meron tayong pandemya, meron tayong baha. Pero konting tiis lang po, mga kababayan ko. Magtulungan lang tayo. Alam ko, itong mga pagsubok na dinadaanan natin ngayon, malalampasan natin ito kung magbabayanihan tayo at magmamalasakit sa kapwa,” ang sabi ni Go.
Mismong ang senador ang nanguna sa pamamahagi ng meals, food packs, masks, face shields at medisina sa 497 pamilyang pansamantalang sumisilong sa Malanday Elementary School.
Ganito ring ayuda ang ipinamahagi sa 478 pamilyang bakwit na nasa Concepcion Integrated School, 458 pamilya sa H. Bautista Elementary School at 404 pamilya sa Nangka Elementary School.
Sa isinagawang distribusyon ng tulong ay tiniyak ni Go at ng kanyang grupo na nasusunod ang health and safety protocols bilang pag-iwas sa coronavirus disease.
“Pakiusap lang po, itong vitamins na dala ko, inumin n’yo po ito. Pampalakas po ito ng resistensya ninyo. Alam ninyo, pag malakas ang resistensya n’yo, mas maiiwasan ang pagkahawa ng sakit na COVID-19,” ang paalala niya. “Pakiusap ko lang din po na suotin ninyo itong mga masks at face shields dahil delikado pa ang panahon. At sumunod tayo sa social distancing. Kung hindi po kailangan, huwag munang lumabas ng pamamahay, hugas ng kamay.”
Namigay rin ang senador ng mga bisikleta sa mga piling residente para may masakyan sa pagpunta at pag-uwi mula sa trabaho. Ang iba ay binigyan ng tablet upang magamit ng kanilang mga anak sa blended learning.
Kaugnay nito, idiniin niya sa mga residente na ginagawa ng gobyerno ang lahat para sila’y ibangon mula sa kalamidad.