Advertisers
NANGANGAMOY ‘tong-pats’ ang lumulutang na presyo ng bakuna ng Sinovac sa Pilipinas kumpara sa presyo nito sa ibang bansa.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, kung pagbabatayan ang $5 kada turok na presyo sa ibang mga bansa na naunang nakipagtransaksyon sa kumpanya para masigurado ang suplay, masyadong malaki ang $38 (mahigit P1,800) per dose na ibinabalitang presyo sa Pilipinas.
Nagsalita ang mambabatas matapos iulat ng Bangkok Post na batay sa mga datus ng World Health Organization (WHO) at mga manufacturer na nagsasabing $5 lamang ang presyo ng bawa’t dose ng Sinovac.
Mababang-mababa ito kumpara sa naunang isinumite ng Department of Health (DOH) sa Senate Committee on Finance sa deliberasyon noong Nobyembre sa pambansang badyet na pumapatak sa P3,629.50 ang halaga ng dalawang turok ng nabanggit na bakuna.
“The difference in prices of Sinovac vaccine at US$5, US$14 and US$38 reminds me of an old story about how corruption is committed in three Southeast Asian countries – UNDER the table, ON the table, and INCLUDING the table,” pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter.
“Here, it may cost $38.50 (P1,847.25) per dose but is covered by a Confidentiality Disclosure Agreement,” dugtong pa ng senador.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado sa programang pagbabakuna ng gobyerno ay napuna narin ng mambabatas ang mistulang pagpili na ng mga tagapagpatupad nito sa Sinovac, na maaaring maging dahilan ng haka-haka tungkol sa katiwalian.
Government to government (G2G) ang dapat umiral na transaksiyon, pero inamin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na direkta siyang nakikipagnegosasyon sa opisyal ng Sinovac Biotech Ltd. na nakabase sa Hong Kong. Ang Sinovac ay isang pribadong kumpanyang nakabase sa Beijing.
“May track record sila nanunuhol. Bakit doon tayo nagpupumilit makikipag-usap?”, nagtatakang banggit ni Lacson sa panayam sa DWIZ nitong Sabado.
“Considering all these, can we blame the lawmakers and even our countrymen why they express suspicion in the government’s vaccination program?” pahabol ng Senador. (Mylene Alfonso)