Advertisers
SA pananaw ng Department of Justice (DOJ), “guilty” si Senadora Leila de Lima sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya noong 2017.
Malinaw ang posisyon ng DOJ na mariin ang pagtutol nito sa hiningi ni De Lima na “Demurrer to Evidence” sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 noong Enero 5.
Ano ang ibig sabihin nito?
Ipinababasura ni De Lima ang kaso laban sa kanya dahil hindi sapat ang ebidensiya ng DOJ.
Hindi ito nakagugulat ang mosyon ni De Lima dahil ito naman ang lohikal na ginagawa ng isang abogado, alinsunod sa pananaw, desisyon at payo ng kanyang mga abogado.
Syempre, nakita at nadiskubre ng mga abogado ni De Lima na mahina ang ebidensiyang iniharap ng mga prosekyutor sa korte, dahilan upang isulong ang pagpapabasura sa kaso laban sa senadora.
Syempre, sa kabilang banda ay malakas ang paniniwala ng DOJ na sapat, matibay at malakas ang ebidensiya nito upang hatulan ng hukom ng Muntinlupa – RTC ng “guilty” si De Lima.
Sa gayon, maparusahan at makulong si De Lima dahil sa nagawa nitong krimen laban sa mamamayang Filipino.
Ngunit, kailangang patunayan ng mga abogado ng DOJ na makukumbinsi nila ang hukom na humahawak ng kaso ni De Lima.
Sa kanilang sagot sa mosyon ng senadora na ipinasa nitong Enero 18, iginiit ng mga abogado ng DOJ na ang ganitong pahayag: “[DOJ is] standing firm that there is no basis in fact and in law to grant the Demurrer to Evidence and strongly opposes the prayer of dismissal” sa kaso ni De Lima.
Binanggit din ng mga abogado na hindi porke hindi si De Lima ang “personal” na nakipagtransaksiyon at nagdeliver ng iligal na droga ay wala nang katibayan na sangkot siya sa gawaing kriminal noong kalihim pa si De Lima ng DOJ sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Noong Pebrero 2017 pa isinampa ang kaso laban kay De Lima.
Bale, limang taon na ito sa Pebrero 2021.
Pokaragat na ‘yan!
Mukhang matagal na ang kaso.
Ngunit, wala iyan kung ikukumpara sa iba na sobrang tagal.
Hindi nakagugulat ang tagal ng paglilitis sa kaso ni De Lima dahil hindi na bago ang ganito sa ating bansa.
Alam naman nating lahat na sa Pilipinas ay mabagal ang takbo ng criminal justice system.
Kung inyong matatandaan, ilang buwan bago maghalalan noong 2016 ay sunud-sunod ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa New Bilibid Prison (NBP) laban sa mga kilalang drug lord.
Batay sa impormasyon ng DOJ mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), mismong mga nakakulong na drug lords ang nagpapatakbo ng drug trafficking sa maraming lugar sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR).
Pinanindigan ng CIDG ang impormasyong nakalap nito na iginiit ng pinuno ng CIDG sa panahong ‘yan na si Lieutenant General Benjamin Magalong sa ‘tama’ at ‘eksakto’.
Si De Lima mismo ang namuno sa operasyon ng NBI sa NBP na tinawag na “Operasyon Galugad” kung saan hindi isinama ang CIDG.
Pokaragat na ‘yan!
Tiyak, nagulat at nagtaka si Magalong sa panahong ‘yan.
Si Magalong ay alkalde na ng Lungsod ng Baguio mula noong Hunyo 30,2019.
Dahil sa operasyon, sumikat at pumatok sa publiko si De Lima.
Nang mangyari ‘yan, maraming humanga sa ‘tapang’ ni De Lima.
Pokaragat na ‘yan!
Siya pa lang kasi ang kalihim ng DOJ, tapos babae pa, na pinamunuan ang operasyon ng NBI laban sa sinasabing drug lords.
Pagkatapos nito ay tumakbong senador si De Lima noong 2016 sa tiket ng administrasyong Aquino at Liberal Party (LP).
Nanalo si De Lima.
Simula 2017 ay nakakulong na si De Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center habang nililitis ang kanyang kaso.
Sa custodial center siya ipinasok dahil senadora si De Lima.
Pokaragat na ‘yan!
Kung hindi siya senadora, pihadong sa Muntinlupa City Jail ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nakakulong si De Lima tulad ng mga pangkaraniwang mamamayang nililitis ang mga kaso sa korte.
Inakusahan ng DOJ na “dubious” ang Oplan Galugad ni De Lima.
Maaari pang tumakbong senadora si De Lima sa halalang 2022 dahil nakakaisang termino pa lamang siya, ngunit sa unang sarbey na isinagawa ay wala sa labingdalawang nangungunang posibleng mga kandidato sa pagkasenador.
Kung tuluy-tuloy na wala sa nangungunang labingdalawa si De Lima, tiyak tapos ang karera niya sa Hunyo 30,2022.
Ang tanong: “Tapos na rin kaya ang kaso niya sa 2022?”