Advertisers
NAGHAIN ng reklamo ang Department of Energy, na kinatawan ni Secretary Sharon S. Garin, sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) laban sa Solar Para Sa Bayan Corporation (SPSB) na itinatag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste dahil sa kabiguang makapaghatid ng kuryente sa malalayong komunidad kahit may congressional Franchising simula 2019.
Sa inihaing reklamo, inirekomenda ng DOE nitong Mayo 6 ang pag-uusig ng mga opisyal ng SPSB at Solar Para Sa Bayan Holdings Corp (SPBC) dahil sa paglabag sa Revised Public Service Act.
Kabilang sa mga respondents sina Antonio C. Legarda Sr.; Benjie C. Legarda; Antonio B. Legarda Jr.; Hazel Irish Pala Fuentes at Irma C. Flaminiano.
Nakasentro ang kaso sa Republic Act No.11357, isang batas noong 2019 na nagbi-gay sa SPSB/SPBC ng 25-taong legislative franchise upang magtayo at mag-operate ng renewable-energy microgrids sa malalayong lugar.
Ayon sa DOE, halos pitong taon na ang nakalipas ngunit nabigo ang kumpanya na i-operational ang prangkisa.
Wala ring rekord na nakakuha ng SPSB/SPBC ang mga kinakailangang permit o nagbigay ng kuryente sa mga benipisyaryo.
Ang sprangkisa ay awtomatikong mawawalan ng bisa kung hindi mag-operate nang tuloy-tuloy sa loob ng dalawang taon.
Ayon sa DOE, “Sinadya at kusang-loob na pinabayaan, hindi ginawa o kinaligtaan” ng mga opisyal ng SPSB/SPBC na gampanan ang mga serbisyong itinakda sa ilalim ng prangkisa — mga gawaing may parusang multa na aabot sa P22 milyon, pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon o pareho.(Jocelyn Domenden)