Advertisers

Advertisers

ANG KATOTOHANAN AT KATARUNGAN

0 10

Advertisers

MAHABA at malubak ang landas patungo sa pagbatid sa katotohanan sa usapin ng mga anomalya sa pamahalaan higit kung ang nasasangkot ay pawang mga nakaupo sa silyang ginto. Sa totoo lang, walang kabatiran ang bayan sa mga anomalyang naganap o nagaganap sa pamahalaan na pawang mga kawani’t opisyal ang may kinalaman. At ‘di ganap na lalabas ang katiwalian sa hanay ng mga banggit na opisyal na ilalabas ang sariling baho. Samantala, ang mga karaniwang kawani’y takot na mapagbalingan ng galit ng mga opisyal na maaaring sangkot o tuwirang sangkot kung ilalabas ang baho sa sangay ng pamahalaan na pinaglilingkuran. Mababatid ang usapin ng anomalya sa pamahalaan sa pagkakataon na may naduhagi sa hatian o sadyang ‘di nabahagian. At sa totoo lang, walang kabatiran si Mang Juan sa uri o iba’t – ibang proyekto hanggang walang nakita kung sino ang gagawa.

Sino ang makakabatid sa uri ng proyekto na itatayo sa lugar na ibig? Hindi si Mang Juan at ‘di ang maraming tulad niya na nabibigla na may pasilidad na gagawin sa lugar na tinitigilan. Samantala, marami sa mga proyekto na unang bahagi nagagawa sa pagtatayo o ang paglalagay ng mga pundasyon sa proyekto at kagyat na mawawala ang nagsisigawa kahit ‘di tapos. At makikitang nakatiwangwang na hinihintay ang susunod na kabanata. Habang sa ibang pagkakataon, makikita na pawang pabatid impormasyon ng kung anong proyekto ang itatayo at ayun na iyon at walang kasunod. Na nagpatulala at napanganga kay Mang Juan sa uri ng serbisyong nakamit sa mga nagtatabaang opisyal ng bayan, halal o itinalaga. Sa isang balitaan, nabatid na magbabalik kuno ang isang opisyal na itinalaga ng bilyon piso sa kabang bayan. Paano ang ibang opisyal na tuwirang naglalaan ng pondo sa ibig na proyekto?

Malas si Mang Juan sa uri ng mga opisyal na inihalal o itinalaga na walang malasakit sa bayan at ‘di nagpahalaga sa ngalan. Hindi nilalahat ngunit nakakarami ang ‘di tapat sa tungkulin at labis na pinagkakaperahan ang tangang pwesto sa halip na serbisyo ang ibigay. Sa dami ng sangay na dapat sandigan ng bayan na iingatan ang salaping bayan tila ang pakikipaglaro sa salang gawa para sa sariling pakinabang. Sa totoo lang, nagpapasalamat sa pangulo ng minsang bigkasin ang mga ma-anomalyang proyekto na bilyon bilyon ang halaga. Ngunit o tila nag menor si Jun Singhot at muling mag-uulat sa bayan sa ‘di umusad sa usapin ng katiwalian. Kailangan pa ba ng isang pag-uulat upang panagutin ang mga may sala na batid na ‘di makakarating sa harapan kung ‘di ganap na nasuri o totoo ang banggit. Jun Singhot, nasa likod ang taong bayan sa gagawing pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng ‘di maulit ang paglapastangan sa salaping bayan. Umaasang malilinis ang hanay ng ‘di mapag-isipang galawang pa pogi ang pag-uulat sa bayan.

Sa ibang bahagi ng larawan ng katiwalian sa pamahalaan, kapansin pansin ang ganda ng pagdadala ng Komite ng Katarungan sa katiwalian kinasasangkutan ng abalang pangulo. Hindi nakitaan ng pagmamalabis at binibigyan pansin ang bawat testimonya ayon o ‘di ayon sa inaakusahan. Sa katunayan, may imbitasyon ang Komite sa abalang pangulo upang dumalo sa usaping nasa harap. Ngunit o sadyang may sariling dahilan o tindig ang abalang pangulo sa ‘di pag sipot sa usaping kinakaharap. Bilang karagdagan, mahaba-haba ang panahon ng pagbabatid sa salang gawa ng nasasakdal na ‘di dinaluhan. At sa huli, dumaloy ang katarungang tama na tinahak ng Komite ng Katarungan. At sa susunod na mga araw, ang pasya ng nakakaraming kinatawang bayan ang susundin kung makararating sa senado ang usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo.

Sa kaganapan sa bansa, malinaw na maraming dapat ituwid na pagkakamali sa pamahalaan o maging sa pamamahala ng ‘di masayang ang salaping bayan na nakalaan para sa serbisyo. May batas na dapat sundin ng mga tao sa pamahalaan ngunit ang gawa’y butasan ang batas ng magawa ang ibig. Maraming batas na pansagka sa katiwalian sa pamahalaan ngunit patuloy na nagaganap at tila natutunan na maiwasan ang mga sagkang batas sa pagkamal ng labis labis na magsisiguro na pipikit ang katarungan. Ang paggamit ng mga perang nakulimbat ang magpapagaang ng kalagayan sa loob ng piitan. At hindi ikagugulat o ipagtataka kung mabigyan ng pagpapatawad kapalit ng ilang halagang ibabalik sa pamahalaan. Uulitin, pagbabalik ng ilang halaga at ‘di ang kabuuan halaga. Marahil, ang ibang halaga’y mapasakamay ng magpapawalang sala.

Sa kasalukuyang panahon na nasa dulo ng daliri ang mga impormasyon, hindi maitatago sa taong bayan ang kabuktutan maging ang katotohanan. Sa bilis ng impormasyon na nakakarating sa tao hindi na usapin na mababatid ng bayan ang katotohanan sa likod ng mga salang gawa ng mga nasa pamahalaan. Ang mabilis na pagbabatid at pagpapabatid sa mga kaganapan ang nagpapa-iral ng katotohanan na patungo sa katarungan. Ang magandang gawa ng malawak na kapulungan higit ang Komite ng Katarungan sa pag-uusisa sa abalang pangulo’y ang karaniwang balita sa media at social media na ganap na papuri ang tanggap. Na masasabing ‘di matatakpan ang katotohanan sa bansa maging ang katarungan higit sa maraming Pinoy na tumatangkilik sa media at social media. At inaasahan na aabot ang usaping nasa harap na tinalakay sa malawak na kapulungan sa dapat patunguhan, sa senado. Ang salang kilos ng kung sinong pilato, ganap na maglalagay sa alanganin sa pamahalaan na ikagagalit ng bayan. Umaasa na ‘di itataya ang katotohanan at katarungan na sinusubaybayan ng bayan.

Sa huli, huwag ipagkait kay Mang Juan ang dapat mabatid, na umiiral sa bansa ang katotohanan at ang katarungan ng walang pagkiling o kinikilingan. Pasagutin ang dapat at ipakitang walang mataas sa batas maging ang pangulo o ang abalang pangulo. Ang pasubalian ng inaakusahan ang mga paratang ang tamang tindig na inaasahan sa abalang pangulo ng maging malinis ang pagkatao sa harap ng bayan. Habang sa kabilang panig, patunayan ang sala sa nakalap na mga dokumento at sanaysay ng mga testigo na pinangangalandakan. Sa huli, sa mga senador, gawin ang itinakda ng saligang batas, dinggin ang usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo, ngayon na. Gampanan at ipakita sa Pinoy na ang sumpang ginawa’y para sa kanila at papanig sa tama at ‘di sa mali. At taas noong masasabi, umiiral ang katotohanan at katarungan sa bansa.

Maraming salamat po!!!!