Advertisers

Advertisers

Pikon si BBM

0 694

Advertisers

NANGGALAITI sa galit na natanggap ni Bongbong Marcos ang mensahe na natalo ang kanyang electoral protest laban kay Bise Presidente Leni Robredo sa Korte Suprema. Hindi ito ordinaryo na talo dahil sa loob na apat at kalahating taon na umikot ang asunto, iisa lang ang desisyon at unanimous. Katig ang lahat ng 15 mahistrado sa desisyon.

Hindi magaling na manananggol si Jose Calida sa batas. May reputasyon na magaling sa lakaran ng mga asunto. Fixer ng mga kaso, sa maikli. Hindi umubra ang kanyang reputasyon sa kaso ni BBM. Biglang baligtad ang mga mahistrado at bumoto kontra sa kanyang nais. Talo ang protesta ni BBM; hindi alam kung hihingi sila ng konsiderasyon.

Ngunit malinaw na tatakbo si BBM sa 2022. Sinabi ng kanyang pangunahing manananggol na haharap siyang muli sa taongbayan sa halalan ng 2022. Hindi malinaw kung anong posisyon. Hindi sinabi kung presidente, bise presidente, o senador.



“Inilaglag ako,” ani BBM sa kanyang mga kasamahan sa kanyang kampo. Sa kanyang pakiwari, binigla siya ni Rodrigo Duterte dahil isasabak niya ang anak sa 2022. Mukhang nagdesisyon ang kampo ng Davao Group na ilalaban si Sara, ang kasalukuyang alkalde ng Davao City. Bakit hindi? Nangunguna siya sa opinion poll.

Kailangan isabak si Sara upang magbigay proteksyon sa kanyang ama na maraming kasalanan sa bayan. Maraming namatay sa ilalim ng madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Maraming perang nawala at hindi matagpuan. Kailangan may managot sa pandarambong ng salapi ng sambayanan. Maraming pagmamalabis sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Mukhang gusto ng kampo ng Davao Group na bise presidente ni Sara si BBM. Kaya nga SAMA ang nasa propaganda ni Sara: Sara-Marcos. Binibiro ng ilang pilyong netizen na masama ang kombinasyon. May nagsabing si Manny Pacquiao ang MA; parehong taga-Mindanao.

Maski sa presscon ng kanyang abugado, hindi malinaw ang posisyon na tatakbuhin ni BBM. Puwedeng pumayag na maging bise ni Sara o hindi. May nagpayo kay BBM na huwag pumayag dahil tatakbo si Grace Poe sa bise. Sa 2028 na tumakbo. Ngunit ayaw ni BBM kasi masyado na siyang matanda sa 2028. Bukod diyan, mawawala na ang puwersa ng mga marcosian.

Masyadong liliit ang bilang ng mga marcosian at hindi na nila maiimpluwensiyahan ang halalan. Mukhang sa 2022 isusugal ni BBM ang huling baraha sa pulitika. Mahina na ang kalusugan ni BBM dahil nagkasakit siya ng Covid-19 noong nakaraang taon nang magpunta siya sa Espanya. Muntik na siyang mamamatay.

May mga mungkahi na si Imee na lang ang tumakbo. May nagbibiro na si Bong Go para buuin nila and kumbinasyong sandok, anila. Hindi sineseryoso at patawa lamang ng mga pilyong netizen sa bayan. Parehong pormang sandok ang mga baba nila sa hitsura.



Gayunpaman, nalulusaw na ang koalisyon ni Duterte. Dahil sa ambisyon, may kanya-kanyang kandidato ang mga lapian at grupo sa koalisyon. Si Pacquiao ang kandidato ng PDP-Laban; si BBM o Cynthia Villar sa Nacionalista Party; Dick Gordon, BBM, o Ping Lacson sa Lakas-NUCD o National Unity Party, at sino-sino pa. Si Sara naman sa Davao Group

***

DALAWANG kandidato ang tinatanggihan ng Estados Unidos sapagkat kinakatawan nila ang kontra demokrasya: Sara Duterte at BBM. Ayon sa mga umiikot na political officer ng U.S. Embassy sa Maynila, hindi sang-ayon ng gobyernong Joe Biden sa kanila sapagkat sila ang larawan ng awtoryanismo sa bansa. Hindi sila pinagtitiwalaan sa pagpapatakbo ng bansa.

Walang ipinakitang katapatan sa demokrasya at demokratikong proseso si BBM sa nakalipas sapagkat lumaki siya at nagkaisip sa ilalim ng diktadurya ng kanyang ama. Ginamit niya ang demokrasya upang makabalik sa poder, ngunit hindi kailanman nagkaroon ng katapatan sa sistemang demokratiko.

Ganyan ang tingin ng gobyernong Biden kay Sara Duterte: larawan ng awtoryanismo. Bagaman inanyayahan ng gobyerno ng Estados Unidos na magmasid sa sistemang demokratiko doon mga tatlong taon na ang nakakalipas, may pasya na hindi ganap na naiintindihan ni Sara ang demokrasya at ang proseso na kinakatawan. Hindi niya nauunawaan ang pangingibabaw ng batas (rule of law) at tamang proseso (due process) sa kabuuan.

Masyadong bugnutin at hindi maunawain si Sara. May feeling of entitlement, anila, sa maraming usapin. Mukhang lumaki na spoiled. “She’s too unpredictable like her father,” anila. Maaaring mahirap paniwalaan at hawakan si Sara, anila, sa hinaharap.

Dalawang usapin ang isusulong at pananatiliin ng Estados Unidos sa Filipinas: Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sila ang dalawang kasunduan ng Filipinas at Estados Unidos; pareho silang naisaayos pagkatapos umalis ang base militar ng Amerikano sa bansa. Kasama ang Mutual Defense Treaty, ang naunang kasunduan na obligado na tumulong ang magkabilang panig kapag nagkaroon ng digmaan.

***

TINANONG kami kung tutulong ang Estados Unidos sa halalan sa Filipinas. Hindi diretso, ito ang sagot namin. Mahirap maakusahan ng pakikialam sa pansariling proseso ng isang bansa ang ibang bansa. Mahigpit na ipinagbabawal ang pakikialam sa panloob na suliranin natin.

Kung magbibigay ng malaking salapi ang China upang tulungan ang kanilang kandidato kontra sa kandidato ng puwersa ng demokrasya, hindi kataka-taka kung bumuhos ang Estados Unidos upang tugunan ang hamon ng China. Parehong makikialam ang dalawang bansa upang impluwensiyahan ang takbo ng kasaysayan at hindi natin masasabi ang kahihitnan.

Walang susuportahan ang China kundi ang Davao Group sa 2022. Hawak nila ang grupong ito sa ilong. Kaya naupo si Duterte noong 2016 dahil pinaniwalaan na bumuhos ng malaking salapi ang China. Kakaibang uri ng suporta ang kanilang ibinigay kay Duterte.

Bilyones ang halaga ng halalan sa Filipinas. May pakiwari kami na lampas sa $100 milyon ang kayang ibigay ng magkabilang panig. Magandang magmatyag kung ano ang mangyayari. Ngunit seryoso ang administrasyong Biden sa pagbabalik sa Asya.

Masyadong hinayaan ng Estados Unidos ang Asya sa nagdaang panahon. Masyado ang focus nila sa Gitnang Silangan. Nakalimutan ang Asya at sa pagbabalik, napakalaki ng pagbabago. Naghahari ang China sa maraming larangan.

Ngunit hindi ganap na makapangyarihan ang China. Hindi ito world power na tulad ng paniwala ni State Secretary Antony Blinken. Maaaring ituring ang China na isang regional power. Mga pataksil na pagsalakay at pagnanakaw ang alam na kasanayan ng China. Tulad ng pagnanakaw ng mga intellectual property na pag-aari ng mga kumpanyang Amerikano at pag-atake sa mga cyber-network ng gobyerno ng Estados Unidos. Hindi lalaban ng parehas ang mga Intsik.

Isang bagay ang kakulangan ng pag-unawa ng China sa administrasyong Biden. Hindi nila alam na maituturing na old-timer sa State Department si Binken. Batid niya ang ebolusyon ng foreign policy ng Estados Unidos sa maraming bansa. May malalim na kaalaman si Blinken at long-range kung mag-isip.