Advertisers

Advertisers

‘COVID patients na mild symptoms sa bahay nalang

Say ng infectious disease expert:

0 373

Advertisers

SA kanilang mga tahanan na lamang maaaring gamutin ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na may mild symptoms lamang, ngayong halos puno na ang mga pagamutan ng mga pasyente.

“Ang panawagan, ‘yung mga mild infections huwag na dalhin sa hospital. Doon na lang sa bahay i-isolate ninyo if there are rooms na puwedeng i-isolate na mayroong ganoong karamdaman,” ayon kay infectious disease specialist Dr. Rontgene Solante, ng San Lazaro Hospital, sa panayam sa radyo.

Ayon kay Solante, ang mga pasyente na may ubo at lagnat, na walang kasamang hingal, ay maaaring gamutin sa bahay, sa pamamagitan nang pag-inom ng tubig, pagkain ng masusustansiyang pagkain at pagbibigay ng akmang gamot.



Dapat na i-monitor ang mga ito at kung nababahala sa lagnat ay maaari itong bigyan ng paracetamol.

“Kapag mild, ubo lang, lagnat tapos walang hingal, tingnan mo kung walang hingal kasi ibig sabihin puwede na lang sa bahay. Bigyan ng eksaktong fluid rehydration, pag-inom ng tubig, pagkain at obserbahan at mino-monitor. Kung nababahala sa lagnat, bigyan ng paracetamol,” sabi ni Solante.



Kung makikitang nahihirapan nang huminga ang pasyente ay kinakailangan na nito ng professional assistance.

Paliwanag niya, ang mga pasyente naman na malala ang karamdaman ay kailangan nang dalhin sa mga pagamutan dahil kakailanganin ng mga ito ng mechanical ventilators.



Kaugnay nito, sinabi rin ni Solante na kinakailangan nila ngayon na mai-reallocate ang kanilang COVID-19 bed capacity sa San Lazaro Hospital dahil sila ay overwhelmed na ng mga pasyente.

“’Yung situation namin ngayon, overwhelming dahil ‘yung mga pasyente natin ngayon talagang hirap kami kumuha ng bakante ngayon dahil talagang we have to allocate the bed especially for the moderate, severe to critical (cases),” ayon kay Solante.

Sa ngayon ay apat na critical cases ang magkakasama sa isang kuwarto sa kanilang pagamutan.

“Majority sa mga pasyente na dumadating sa amin, around 70% severe to critical ‘yan. So makikita mo ‘yan we only have 10 ICU beds, and these patients need ICU care. So ang ginagawa namin, sa isang room may 4 na critical para lalong ma-accommodate ang mga pasyenteng dumadating,” ayon pa dito.

Matatandaang Marso 10 pa nang mag-ulat ang San Lazaro Hospital, na isang COVID-19 referral hospital, na nasa full capacity na ang kanilang intensive care unit (ICU) beds.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), hanggang nitong Sabado ng hapon ay mayroon nang 784,042 ang kabuuang bilang ng mga pasyente ng COVID-19.

Sa naturang bilang, 98.7% ang asymptomatic o mild cases lamang, 0.5% ang severe, 0.5% ang kritical at 0.30% ang moderate cases. (Andi Garcia)