Advertisers
TINANGGAL na sa puwesto ang hepe ng General Trias Police kasama ang dalawa pang tauhan nito na sangkot sa pagkamatay ng isang curfew violator nang pahirapan ito sa pamamagitan ng pag-pumping sa General Trias, Cavite.
Kinilala ang sinibak na si Police Lt. Col. Marlo Solero, kasama ang 2 niyang tauhan, nang itanggi sa interview ang pagpapahirap ng mga ito sa curfew violator na si Darren Manaog Peñaredondo, 27 anyos, ng Malabon, Gen. Trias.
Matatandaan na inaresto ng Gen. Trias Police si Peñaredondo dahil sa paglabag sa curfew hours. Dinala siya sa himpilan ng pulis kasama ang ilan pang naaresto at dito ay pinahirapan sila sa pamamagitan ng pag-pumping na umabot ng 300 beses ng walang pahinga.
Napag-alaman na nang makauwi ng biktima ay nagsimula itong dumaing at nagkumbulsyon at nang dalhin sa pagamutan ay namatay ito sanhi ng hirap na dinanas.
Agad nag-viral sa social media ang pangyayari nang i-post ng isa nitong kamag-anak ang sinapit ng biktima sa mga kamay ng Gen. Trias Police. Umani ito ng mga brutal na batikos ng netizens.
Mariin itong itinanggi ni Col. Solero. Sinabi niya sa kaniyang mga panayam na hindi sila nagpapahirap sa mga nahuli na curfew violators o anumang kaso na nauukol sa Covid-19 bagkus ito ay kanilang dinadala sa isang covered court o isang lugar at doon nila pinapangaralan.
Subali’t pinasinungalingan ito ng kinakasama ng biktima na si Reichelyn Balce, gayundin ng iba pang violators na hinuli ng gabing iyon.
Dahil dito, sinibak ng pamunuan ng Napolcom si Solero at dalawa niyang tauhan, at kinumpirma ito ni Cavite Provincial Director Col. Marlon Santos.
Ayon naman kay Gen. Trias Mayor Antonio Ferrer, hindi parte ng kanilang polisiya ang pananakit o torture at pagpapahirap sa sinumang lalabag sa mga ipinatutupad na quarantine protocols para sa public health standards kung kaya malalim na imbestigasyon ang kaniyang iniutos para dito.
Samantala, kinumpirma ni alyas “Eugene,” isa sa curfew violators, na nahuli sa Barangay Tejero, Gen. Trias , ang matinding parusa na pinagawa sa kanila ng pulisya, na itinuturong dahilan ng pagkamatay ni Penaredondo.
Kuwento ni Eugene, Huwebes nang damputin at dalhin sila sa Gen. Trias Police station. Kasabay niya noon si Peñaredondo.
Matapos silang bigyan ng lecture tungkol sa COVID-19 guidelines, pinag-exercise sila ng mga pulis, tulad ng squats, na sa bilang niya ay higit 100 beses.
Natapos aniya ang utos na exercise at natulog sa plaza pero kinaumagahan ay naramdaman na raw nila ang sakit sa katawan.
Si Peñaredondo ay kinailangan pang akayin ng mga kasama dahil sa hirap nitong gumalaw.
“Masakit na raw ang hita niya. Sabi ko pareho tayo, masakit narin hita ko.Utay-utay ang lakad niya,” ani Eugene.
Pumanig naman ang barangay sa pulisya.
“Nakakalakad siya no’n nun’g hinatid namin. Nagulat nalang kami na bakit ganon ang post nila,” sabi ni John Magbanua, team leader sa Barangay Tejero.
Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government, pinaiimbestigahan na nila ang pagkamatay ni Peñaredondo. (Irine Gascon)