BACOLOD MASACCRE: 4 PATAY!

166

ARESTADO ang itinuturong responsable sa pagmasaker sa apat na magkakamag-anak kabilang ang isang batang babae sa bahay ng seaman sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub, Bacolod City.
Pero itinatanggi ng suspek na hindi pa pinangalanan na may kinalaman ito sa karumal-dumal na krimen.
Kinilala ang mga biktima na sina Jocelyn Nombre, Gemma Espinosa, Michael Espinosa at batang babae.
Sa ulat, Huwebes ng umaga nang hilingin ni Jonel Nombre sa kanyang mga kapatid sa Barangay Banago, Bacolod City na bisitahin ang kanilang bahay sa Block 2, Gardenville Subdivision dahil tatlong araw nang hindi makontak ang cellphone ng kanyang live-in partner na si Jocelyn.
Ayon sa report, nagtatrabaho si Jonel sa inter-island na barko, samantalang ang misis naman ni Michael ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Pagdating ng mga kapatid sa bahay nina Nombre, bukas ang gate at may nakaharang lang na bakal sa lock nito at tumambad sa kanila ang bangkay ni Jocelyn, kapatid na si Gemma, pamangkin na si Michael, at anak ni Michael na babae na 6 anyos.
Ayon kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, nakabalot sa kumot ang bangkay nina Jocelyn at Michael at kinaladkad palabas ng bahay.
Ginupitan pa ang buhok ni Jocelyn.
Natagpuan naman ang bangkay ni Gemma sa maliit na kubo sa tabi ng bahay, habang nakahandusay ang bangkay ng batang babae sa sofa sa loob ng bahay.
Ayon sa hepe ng pulis, hinampas sa ulo ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Nasa advanced state of decomposition na ang mga bangkay kaya’t pinaniniwalaang nangyari ang krimen ilang araw na ang nakararaan at nitong Huwebes lang nadiskubre. Posibleng gabi pinatay ang mga ito dahil bukas pa ang ilaw ng bahay nang madatnan.
Sa report, walang indikasyon na puwersahang pumasok ang mga salarin na hindi bababa sa dalawa, at walang mahahalagang bagay na nawala sa bahay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Isang ‘person of interest’ na ang nasa kostudiya ng mga pulis para hingan ng impormasyon.
Isinailalim din sa awtopsiya ang mga labi ng mga biktima.

Leave A Reply

Your email address will not be published.