Advertisers
ISA na naman ang nalagas sa hanay ng Manila Police District (MPD) nang mamatay sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni MPD Director, Brig. General Leo Francisco.
Ayon kay Francisco, nagpositibo sa COVID-19 si SSG Cenen Evangelista na nakatalaga sa MPD-Traffic and Enforcement Unit.
Sa panayam sa isang source, naturukan ng bakuna kontra Covid-19 si Evangelista. Pero bago siya nagpaturok ay napositibo ito sa virus, asymptomatic.
March 31 nang magpaturok si Evangelista at April 7 nang mamatay ito sa isang ospital sa Maynila.
Ayon pa sa source, naging hesitant pa si Evangelista na magpaturok ngunit dahil sa takot na maasunto sa pagtanggi na mabakunahan ay napilitan itong magpaturok at hindi nito sinabi sa kanyang health declaration ang totoong kalagayan niya na na-expose siya sa isang nagpositibo.
Nabatid na nasa 35 taon nang nasa serbisyo si Evangelista at nakatakda na itong magretiro bilang pulis.
Sa datos ng MPD, nasa 817 na ang tinatamaan ng Covid-19 sa kanilang hanay, habang 712 ang gumaling na at 4 na ang namamatay kabilang si Evangelista. (Jocelyn Domenden/Jonah Mallari)