Advertisers
SA gitna ng mga hamon na kinahaharap ng mundo ngayon, mula sa tensyon sa ibang bansa hanggang sa mga suliraning pang-ekonomiya, mahalagang paalala ang mga pagtitipong tulad ng Grand Iftar tungkol sa halaga ng pagkakaisa at malasakit.
Sinasabing sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Grand Iftar 2026 na ginanap sa Malacañang kasama ang mga lider at miyembro ng komunidad ng Muslim, muling binigyang-diin ang isang simpleng katotohanan na ang lakas ng isang bansa ay nakasalalay sa kakayahan nitong pag-isahin ang mga mamamayan na may iba’t ibang pananampalataya at pinagmulan.
Ang Ramadan ay hindi lamang panahon ng pag-aayuno para sa mga Muslim, panahon ito ng pagninilay, disiplina, at pakikiramay sa kapwa, mga pagpapahalagang hindi lamang krusyal sa pananampalataya kundi pati sa paghubog ng isang matatag na lipunan.
May sari-saring kultura at relihiyon sa Pilipinas kaya’t ang mga ganitong pagkakataon ay nagpapaalala na ang respeto at pag-unawa sa isa’t isa ang pundasyon ng tunay na pagkakaisa.
Gayunman, hindi maikakaila na ang mundo ngayon ay puno ng pangamba.
Ang mga kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang mga tensyon sa Gitnang Silangan, ay may implikasyon hindi lamang sa pandaigdigang kapayapaan kundi maging sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, lalo na sa ekonomiya at sa kapakanan ng mga pamilyang may kaanak sa ibang bansa.
Kaya sa ganitong konteksto, ang panawagan para sa habag at kapayapaan ay hindi lamang simboliko kundi isang mahalagang paalala sa sangkatauhan.
Sa loob ng bansa, patuloy ding hinaharap ang hamon ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nakita sa mga nagdaang taon ang mga hakbang tungo sa mas matatag na pamamahala at mas inklusibong pag-unlad sa rehiyon.
Ngunit tulad ng binanggit ni PBBM, ang landas tungo sa tunay na kapayapaan ay nangangailangan ng tiyaga, patuloy na diyalogo, at tapat na hangaring magkasundo.
Sa puntong ito, mahalaga ring kilalanin na ang kapayapaan ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Ito ay kolektibong tungkulin ng bawat mamamayan—Kristiyano man o Muslim, mula man sa lungsod, munisipalidad, o probinsya.
Ang diwa ng Ramadan—pagpapakumbaba, disiplina, at malasakit sa kapwa—ay maaaring magsilbing inspirasyon para sa lahat upang maging mas makatao at mas responsable sa pakikitungo sa kapwa.
Sabi nga, ang tunay na sukatan ng isang matatag na bansa ay hindi lamang ang lakas ng ekonomiya o kapangyarihan ng pamahalaan.
Nasusukat din ito sa kakayahan ng mga mamamayan na magkaisa sa gitna ng pagkakaiba at hamon.
Kung ang diwa ng Ramadan ay magsisilbing gabay, may pag-asa na ang Pilipinas ay patuloy na magiging isang lipunang may dignidad, kapayapaan, at malasakit para sa bawat Pilipino—anumang pananampalataya o pinagmulan.
*
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.
-30-