Advertisers

Advertisers

Pag-asa sa likod ng abo sa NIA Road, QC

0 7

Advertisers

Lungkot at hapdi sa dibdib ang makitang abo na lamang ang naiwan sa pagkasunog ng mga kabahayan sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City nitong Marso 6.

Sa trahedya, mahigit sa 2,000 pamilya ang nawalan ng tahanan pero sa kabila ng pagkakaabo ng kanilang kabahayan, may pag-asang umusbong mula sa abo para sa mga biktima.

Ano!? Pag-asa sa likod ng abo?

Anong klaseng pag-asa naman iyan? Magkakaroon na ba sila ng permanenteng tirahan?

Tama ka diyan! Magkakabahay na nga ang mahigit sa 2,000 pamilyang nasunugan. Aba’y kung totoo man ito, tila’y nanalo ng jackpot prize sa lotto ang mga nasunugan…at ang maganda, hindi sila itatapon sa malayo.

Pangako ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, kasama ang DHSUD at NHA, na ipagtatayo ang mga nasunugan ng “vertical housing” o mga housing building mismo sa loob ng lungsod. Tawag dito ay “in-city” relocation. Iyan ang tamang direksyon Madame Mayor Joy.

Panalong – panalo dito ang mga nasunugang informal settlers. Bakit naman? Ang madalas na nangyayari kasi noon, kapag nasunugan at irerelocate ang mga ito sa malalayong lugar na malayo sa kabihasnan. May bahay ka nga pero wala namang trabaho kaya, ang nangyayari ay bumabalik sa QC ang mga ini-relocate upang mamasukan o nandito ang kanilang trabaho at dahil na rin sa dito nag-aaral ang kanilang mga anak.

Sa planong ito ni Mayora, magpapatuloy ang pamumuhay ng mga residente – hindi na kailangang gumastos ng kalahati ng kanilang sahod para sa pamasahe ang mga tatay na construction worker gayundin ang mga nanay na naglalako o nagtatrabaho sa mga opisina sa QC. Hindi na rin kailangang lumipat ng eskuweslahan ang mga bata.

Wait! There’s more. Ha! Habang hinihintay ang mga building (na target matapos sa 2027), may rental subsidy o tulong-pambayad sa upa na ibibigay ang lokal at nasyonal na gobyerno. Wow jackpot!

Ang subsideya ay hindi naman isang “pampalubag-loob” kung hindi ito ay karapatan ng bawat mamamayang naging bahagi ng ekonomiya ng QC.

‘Ika nga ni Mayor Joy, ang layunin ay “dignified housing” – hindi lang basta may masilungan, kundi isang bahay na maipagmamalaki at ligtas sa sunog o baha.

Pero ang hamon dito ay dapat maging mapagmatyag ang lahat – sa dami ng mga apektadong pamilya—mga may-ari, nangungupahan, at nakikitira—dapat masigurong walang “palakasan” sa listahan. Ang priority ay ang mga tunay na nasunugan at walang ibang matakbuhan.

Dapat ding siguraduhin ng DHSUD at NHA na ang mga itatayong building ay hindi “pipitsugin.” Hindi dahil mahirap ang titira ay kailangang tipirin ang materyales. Ang mga biktima ng NIA Road ay tao, hindi istatistika lang.

Masakit man ang nangyaring trahedya sa NIA Road pero likod naman ng abo, isang pag-asa ang umusbong.