Advertisers
Pag-usapan natin ang Minimum Basic Needs (MBN) Agenda ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, isang direksiyong nakatuon sa apat na pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya: housing, education, healthcare at jobs.
Kung noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay naipakita ni Yorme Isko ang kakayahan niyang harapin ang peligro sa buhay at kalusugan ng mga Manilenyo, mas malaki ngayon ang pagkakataong mapalakas pa ang serbisyong pangkalusugan ng lungsod.
Ngayong mas matatag ang pananalapi ng Maynila, dapat higit na mapalawak ang serbisyong medical na hindi lamang nakatuon sa paggamot ng sakit kundi higit sa lahat sa prevention, early detection at madaling access sa healthcare. Ang layunin: serbisyong abot-kaya, mabilis at madaling makuha sa mga city hospital at health center ng Maynila.
Edukasyon: Dagdag-klase, dagdag-pag-asa
Sa edukasyon naman, kailangang sabayan ng Maynila ang patuloy na paglaki ng populasyon. Kabilang dito ang pagpapagawa ng mas maraming classrooms at pagpapahusay ng mga public school upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.
Hindi lamang mga Manilenyo ang pumipili sa Maynila para mag-aral. Marami ring kabataan mula sa mga probinsiya ang pumupunta rito dahil sa mga paaralan at unibersidad na kilala sa mataas na kalidad ng edukasyon at sa mga gurong naghahanda ng mga estudyanteng nagiging topnotchers sa board at maging sa bar examinations.
At kung tunay na mas maluwag na ang fiscal space ng lungsod, mahalagang madagdagan pa ang educational assistance at scholarship programs. Sapagkat ang edukasyon ay hindi lamang gastos ng gobyerno—ito ay pamumuhunan sa kinabukasan ng lungsod.
Trabaho: Hindi sapat ang ayuda, kailangang may hanapbuhay
Sa trabaho, may track record si Yorme na puwedeng balikan.
Nariyan ang Tondominium 1 at 2 at Binondominium, mga proyektong hindi lamang tumutugon sa pangangailangan sa pabahay kundi maaaring maging bahagi ng mas malawak na urban development at livelihood ecosystem.
Kahit noong COVID-19 pandemic, maraming skilled workers at maging ang mga dating tambay ang nabigyan ng pagkakataong kumita at magkaroon ng trabaho.
Ngayon, mahalagang ipagpatuloy ang paglikha ng permanenteng trabaho at livelihood opportunities, habang hinihikayat ang mga investor mula sa ibang bahagi ng bansa at maging ang foreign businessmen na magnegosyo sa Maynila.
Kapag may investment, may negosyo. Kapag may negosyo, may trabaho. At kapag may trabaho, mas maraming pamilyang makakatayo sa sarili nilang paa.
Pabahay: Dignidad, hindi lamang bubong
At siyempre, hindi maaaring mawala sa MBN Agenda ang pabahay.
Para sa mga informal settler families ng lungsod, ang disenteng tahanan ay hindi lamang apat na dingding at bubong. Ito ay seguridad, dignidad at oportunidad para sa pamilya.
Kaya mahalagang ituloy at palawakin ang mga programang pabahay na nagbibigay sa mga pamilyang nangangailangan ng pagkakataong magkaroon ng mas maayos at mas ligtas na tirahan.
Digitalization: Mas mabilis na serbisyo
Kasabay ng apat na pangunahing MBN – Housing, Education, Healthcare at Jobs – mahalaga rin ang pagpapaigting ng digitalization ng mga serbisyo ng lungsod.
Kabilang dito ang e-BOSS o Electronic Business One-Stop Shop, na layuning gawing mas mabilis, mas episyente at mas transparent ang pakikipagtransaksiyon ng mga negosyante sa city government.
Ito ang konsepto ng governance na kailangang maramdaman ng ordinaryong Manilenyo: mas kaunting pila, mas kaunting proseso, mas mabilis na serbisyo.
Sa kabuuan, ang MBN Agenda ang maaaring magsilbing puso ng 10-Year Development Plan ng tandem nina Yorme Isko at VM Chi Atienza, isang plano na ang tunay na sukatan ay hindi lamang kung gaano karami ang mga proyektong naitayo, kundi kung gaano karaming pamilya ang naging mas ligtas, mas edukado, mas malusog, may disenteng tahanan at may matatag na trabaho.
Ito ang direksiyong kailangang makita sa Maynila: isang lungsod na umaangat hindi lamang ang skyline, kundi pati ang kalidad ng buhay ng bawat Manilenyo.
At dito marahil mauunawaan kung bakit patuloy na may hatak sa marami si Yorme Isko, sa Maynila man o maging sa ibang bahagi ng bansa.
Laking Tondo. Anak-mahirap. Anak ng kargador.
Alam niya ang buhay sa kalsada. Alam niya ang pakiramdam ng kapos. At dahil dito, para sa kanyang mga tagasuporta, ang tinatawag niyang “street-smart governance” ay hindi lamang slogan kundi isang pananaw na hinubog ng sariling karanasan.
At kung ang layunin ay ang kanyang vision na “To Make Manila Great Again,” ang hamon ngayon ay malinaw: gawing konkretong pagbabago sa buhay ng tao ang bawat pangako, mula sa bahay, paaralan, ospital hanggang sa trabaho.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.