Advertisers
MABIGAT ang impeachment trial. Mahahaba ang hearing, teknikal ang mga argumento, bawat salita ng prosecution, defense at senator-judges ay maaaring magkaroon ng epekto sa kaso.
Pero sa gitna ng lahat ng legal na usapin, may isang bahagi ng proceedings na madaling makaligtaan. Tao rin ang lahat ng nasa loob ng impeachment court. Mismo!
Makikita ito sa ilang maliliit na eksena sa pamumuno ni Presiding Officer Chiz Escudero.
Nang magkaroon ng problema si Senator Pia Cayetano sa monitor na ginagamit niya sa proceedings, halimbawa, agad itong ipinaayos ni Chiz.
Nang mapag-usapan naman ni Senator Raffy Tulfo ang bell na ginagamit para bantayan ang oras ng mga senator-judge, pinagaan ni Chiz ang sandaling iyon at pinangalanan niya mismo ang bell-ringer. “The name of the bell-ringer is Anika.” Nagtawanan ang mga nasa impeachment court at napagaan ang sandali kahit papaano.
May mga ganitong pagkakataon din sa pakikitungo niya sa mga abogado. Kapag kailangan niyang maging firm, kadalasan ay ginagawa niya ito nang hindi kinakailangang maging mapanakit.
Sa kontrobersiya tungkol sa social-media comments ni Atty. Armando Ligutan, halimbawa, pinaalalahanan niya ang House Prosecution counsel na may obligasyon parin ito bilang abogado kahit bilang isang guro ang pag-post niya sa social media.
Mayroon ding mas simpleng konsiderasyon, gaya ng pagpapaupo sa isang abogadong matagal nang nakatayo, pagbibigay-pansin sa namamaos na counsel, o pag-accommodate sa pangangailangan ng witnesses at lawyers para sa tubig o salabat.
Ipinapakita ng mga eksenang ito ang isang aspeto ng impeachment na hindi makikita sa transcripts at legal arguments lamang.
Sa likod ng prosecution at defense ay mga abogado at staff. Sa likod ng 21 senator-judges ay mga taong ilang oras na nakaupo at nakikinig. May secretariat na nag-aayos ng records at dokumento, court personnel na nagpapatakbo ng proceedings, at mga witness na maaaring ilang oras naghihintay bago matawag.
Ang trabaho ng Presiding Officer, samakatuwid, ay hindi lamang mag-rule sa objections at magpatupad ng tamang hatol. Kasama rin dito ang pamamahala sa isang institusyong binubuo ng maraming taong kailangang magtrabaho nang maayos sa ilalim ng matinding pressure.
At marahil iyon ang mas tahimik na bahagi ng trabaho ni Presiding Officer, Chiz Escudero.
Maaaring maging mahigpit siya sa rules nang hindi nakakalimutang tao lang din ang kanyang pinangangasiwaan dito.
Good job, Chiz!