Advertisers
HINDI katanggap-tanggap para sa mga historyador ang ihambing ni Sen. Robinhood Padilla ang mga bayani ng ating bansa na gumamit ng kanilang mga alyas (pen name, pseudonym) sa pakikibaka para sa kalayaan sa mga pangalang alyas na sinasabing tumanggap ng Confidential and Intelligence Fund (CIF) mula sa tanggapan ni Vice President Sara Z. Duterte.
Para sa mga manunulat ng kasaysayan malaking insulto sa katulad ng ating mga bayaning sina Jose P. Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, Juan Luna, Marcelo Del Pilar at iba pa na ikumpara sa mga nakinabang sa Confidential and Intelligence Fund (CIF) ni VP Sara Duterte.
Si Rizal ay gumamit ng alyas na Dimas-alang at Laong Laan, si Andres Bonifacio ay nakilala bilang May Pag-asa, Agapito at Bagumbayan, si Antonio Luna ay Taga ilog, si Juan Luna ay Buwan at Marcelo Del Pilar ay Plaridel, Pudpoh, Dolores at Manapat.
Gumamit ang mga ito ng mga alyas upang manatiling incognito o di hayag ang tunay na pagkatao sa kanilang pakikibaka laban sa mga Kastila na naging daan upang matamo ang ating kalayaan mula sa kamay ng mga mananakop. Ang mga bayaning ito ay walang tinanggap na Confidential And Intelligence Fund.
Samantala sina Belat, Pagong, Pusa, Tempura, Kamote, Mongo at Macdonald kasama sina Ms. Mary Gace Piattos, Shane Ngitngit at May Pamana at iba pa ay pawang hinihinalang imbento at gawa-gawang pangalan ng Office of the Vice President (OVP).
Pinalitaw ang mga ito na nagsitanggap ng Confidential and Intelligence Fund (CIF) bilang kabayaran sa mga impormasyon at iba pang kagastusang may kaugnayan sa Intelligence activities.
Mahigit sa 4,000 na Acknowledgement Receipt (AR) ang isinumite ng OVP sa COA bilang patunay na ginugugol ng tama at naaayon sa batas ang pondo sa CIF ni VP Sara Duterte, ngunit ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ay iilan katao lamang ang hinihinalang lumagda sa naturang mga resibo.
Napakalayo ng pagkakaiba o diperensya ng paghahambing ni Robinhood sa ating mga bayani na gumamit ng kani-kanilang alyas kaysa mga nagsigamit ng taguri/alyas na nakinabang sa milyon-milyong CIF na salaping mula sa kaban ng bayan.
MISTULANG PAGONG SI GEN. BACCAY AT COL. EBORA!
HINDI matatawaran ang husay at kakayahan nina PNP Region 4A Acting Dir. BGen. Dominic Baccay at Batangas PNP Acting Provincial Dir. Col. Oliver Ebora pagdating sa iba’t ibang aspeto ng pagpapatupad ng batas.

Ngunit sa kampanya laban sa illegal vices ay napaka kupad ng pag-aksyon ng mga ito. Pinuna ng grupo ng mga Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na wala pa ring positibong hakbang sina Gen. Baccay at Col. Ebora laban sa talamak na operasyon ng peryahan-sugalan na may shabuhan, sakla at iba pang ilegal na bisyo sa Batangas.
Kabilang dito ang puesto pijo na pergalan ni alyas Larry sa tabi ng CP Reyes Satellite Clinic sa Santiago sa bayan ni Malvar Mayor Artemio Abu; alyas Tomboy, Onad at Allan sa siyudad ni Calaca Mayor Nas Ona; Tomboy, Allan at Maricel sa Darasa, Tanauan City; Tomboy, Onad at Egay sa San Rafael; Tomboy at Joseph sa San Agustin; Ashley sa Sta. Clara, pawang sa siyudad ni Sto. Tomas Mayor Arth Marasigan; Marinteh sa Apacible Street, sa bayan ni San Nicolas Mayor Lester De Sagun; alyas Tina sa bayan ni Bauan Mayor Wendah Dolor; alyas Mundo at Arnel sa Lemery at mga color games at pimpong ni alyas Nanay Amie sa bayan ni Rosario Mayor Leovy Morpe.
May mga pergalan din sa Rosario, Padre Garcia at San Juan na di kinakante ng mga police chief at tauhan ng mga ito.
Talamak ang sakla sa mga bayan ng Lemery, Padre Garcia, Nasugbu, Rosario, Mataas na Kahoy, Alitagtag, Taysan, San Juan at Tuy. Lalong garapal at lantaran ang operasyon ng sakla sa mga siyudad ng Lipa, Tanauan at Sto. Tomas kung saan namamayagpag ang operasyon ni alyas Magsino at ang kasosyo nitong ilang police scalawag. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144