Advertisers
HINAMON ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na kasuhan siya ng mga otoridad matapos aminin na gumamit siya at kanyang anak ng Ivermectin na gamot laban sa Covid 19.
Ginawa ni Enrile, 97 anyos na, ang pahayag sa lingguhang ‘Meet The Press Save the Nation’ forum ng National Press Club via Zoom nitong Biyernes.
Aminado ang dating batikang Senador na malaki ang nagawa ng Ivermectin para siya at kanyang anak na si Katrina ay gumaling sa sakit infection ng Covid 19.
Pinaliwanag ni Enrile na ang Ivermectin ay matagal nang gamot at katunayan ay itinuturing ito na generic at mura kaya marapat na payagan ito sa merkado.
Sabi pa ni Enrile na dapat ay huwag ilayo ang gamot na ito sa publiko, kundi payagan ang publiko sa paggamit nito.
Nagtataka rin siya kung bakit ayaw pahintulutan ito ng gobyerno gayung napakamura at walang idudulot na injury sa pamahalaan.
Naniniwala si Enrile na ang market share o market competition ang pangunahing dahilan kung bakit hindi mapayagan ang Ivermectin sa merkado, na dinodomina ng malalaking parmaseyotika.
Kasabay nito ay hinamon ng dating Senate President ang mga otoridad na kasuhan siya sa naging paggamit ng Ivermectin kung may nalabag siyang batas.
Aminado si Enrile na hindi siya doktor ngunit sinabi niya na siya ay isang abogado, at sakaling kuwestiyunin siya ng mga otoridad handa aniya siyang humarap at isalang sa cross examination sinumang complainant.
Maliban kina Enrile at Katrina, pinatutunayan din ng mga dalubhasang manggagamot na sina Dr. Iggy Agbayani, Dr. Homer Lim at Pinay na duktor sa Estados Unidos na si Marivic Villa na matagal na nilang nireresta ang Ivermectin bilang anti-viral. Napatunayan nilang ito’y mabisa at mura. Higit 26 years na anila itong ginagamit sa maraming malalaking bansa tulad ng Amerika at Europa.
Ganito rin ang ipinahayag ni 1-Pacman Partylist Representative Enrico Paneda. Gumawa na raw sila ng pagdinig ukol dito kasama ang taga-Department of Health at Food and Drug Administration para mabigyan ng permit ang Ivermectin pero tila hindi aniya interesado ang DoH at FDA.
Samantala, sinabi naman nina Dr. Herbosa ng DoH at Dra. Nina Gloriani ng DoST na may ginagawa nang pag-aaral ukol sa Ivermectin. Malalaman anila sa pagkaraan ng 60 days ang resulta ng pag-aaral. “Maghintay-hintay lang po tayo.” (Gina Mape)