Advertisers

Advertisers

Tapos si Isko

0 1,651

Advertisers

SA UNANG tingin, mukhang kinalaban ni Sonny Trillanes si Leni Robredo. Mukhang pinilit na magdeklara kung lalaban o hindi sa panguluhan sa 2022. Maski si Barry Gutierrez ang magiting na tagapagsalita ni Leni, ay ganyan ang pananaw. Maanghang ang sagot ni Barry sa pahayag ni Sonny. Nakabatay umano sa fake news.

Sa isang pananaw, maigi ang pahayag ni Sonny Trillanes. Kailangan ilabas ang baraha kung tatakbo o hindi. Hindi puede ang naghihintay sa kawalan. Hindi puede ang umaasa at umuusal ng dasal na “sana tumakbo siya.” Kawalan ng paggalang sa mga tagasunod at tagasuporta ang paghintayin sila. “Pakipot politics” ang tawag ng iba sa ganyan.

Simple ang mensahe ni Sonny Trillanes. Tatakbo ba si Leni o hindi? Pakilinaw sa madali. Kung tatakbo, magbibigay daan siya at tutulong sa kampanya. Kung hind tatakbo, ipinahayag na available siya at siya na lang ang tatakbo. Hindi dapat na walang kandidato ang totoong oposisyon. Mahirap bang intindihin iyon?



Sa isa pang pananaw, maigi ang pagpiga ni Sonny Trillanes sa isyu. Inihayag sa 1Sambayanan, ang koalisyon ng demokratikong puwersa, na hindi katanggap-tanggap na maging kandidato si Isko Moreno ng oposisyon. Una, hindi totoong oposisyon si Isko dahil hindi pinutol ang kanyang koneksyon kay Rodrigo Duterte. Pangalawa, dahil peke si Isko, hindi siya naghirap sa simulain ng oposisyon.

Walang pumipigil kay Isko na tumakbo sa halalan ngunit huwag sa ilalim ng 1Sambayan. Hindi sinabi ni Sonny Trillanes na oportunismo ang ganyang sitwasyon at oportunista si Isko. Ngunit ganoon na rin ang ibig sabihin sa diretsong usapan.

Sa maikli, hindi minura, hindi pinagbantaan, hindi niliit, hindi ikinulong, at hindi minaltrato ni Duterte si Isko. Namangka sa dalawang ilog si Isko. Kung paano at bakit kinunsidera si Isko ng 1Sambayanan sa mga pagpipiliian na ilaban sa 2022 ay isang malaking palaisipan. Bukod diyan, walang nalalaman si Isko sa maraming bagay.

Mistulang isinara ng pahayag ni Sonny Trillanes ang pinto sa ambisyon ni Isko sa panguluhan. Hindi na pinaporma. Kaya malinaw ang mensahe niya sa 1Sambayan na naatasan na pumili ng manok sa 2022. Kung hindi lalaban si Leni, siya ang magdadala ng laban. Hindi dapat mawalan ng kandidato ang totoong oposisyon sa halalan. Hindi dapat isagupa ang mga pumuposisyon lang sa 2022. Malinaw ang mensahe sa lahat.

***

KUNG may desisyon o kahit pahiwatig lang na lalaban si Leni Robredo sa 2022, hindi kailangan ang 1Sambayanan. Siya ang pangalawang pangulo at natural na siya ang isabak. May tinatawag na prinsipyo ng “equity of the imcumbent.” May mas karapatan ang mga nakaluklok na lumaban upang muling maihalal. Maaari niyang igiit ang prinsipyong ito sa mga kasama sa oposisyon.



Nagkaroon ng 1Sambayan dahil kailangan ang isang mekanismo na pipili ng kandidato ng oposisyon. Hindi sigurado si Leni kung tatakbo o hindi. Kung sigurado sa sarili, madali niyang ipilit sa hanay ng oposisyon na hindi kailangan ang 1Sambayanan. Nakakatawa na pumayag siya na isailalim ang sarili sa proseso ng 1Sambayanan.

Kumbinsido kami kahit noon pang Enero na hindi talaga tatakbo si Leni. Wala siyang panustos sa kandidatura. Mukhang walang may gusto na tustusan ang kanyang pagpapalaot. Hindi niya masabi sa hanay ng oposisyon na hindi siya tatakbo dahil marami ang totoong umaaasa na siya na nga ang kandidato. Wala siyang mukha na sabihin na hindi tatakbo sa panguluhan sa 2022.

Maganda ang performance ni Leni bilang pangalawang pangulo. Mahusay siya sa community works at social works. Sa kanya uminog ang maraming korporasyon at nagbigay sila ng tulong sa kanyang mga proyekto. Ginawa ni Leni ang mga tungkulin na hindi kayang gawin ni Duterte na hindi nagtrabaho at minabuti na matulog lamang.

Isang bagay ang hindi maganda kay Leni Robredo: Hindi siya desidido sa larangan ng pulitika at kulang sa killer’s instinct. Hindi siya mandirigma sa laban. Hindi inihanda ang sarili bilang kandidato ng nagkakaisang hanay ng oposisyon – iyong tunay na oposisyon. Sinabi niya sa Septiyembre siya magdedesisyon kung tatakbo o hindi. Natawa kami sapagkat paano kung hindi siya tatakbo? Iiwan niya nakanganga ang mga kasama sa laban?

***

HINDI totoo na nagkakawatak-watak ang oposisyon dahil sa pahayag ni Sonny Trillanes. Bahagi ito ng political dynamics upang maklaro kung ano talaga ang posisyon ng bawat isa. Tanging ang mga patay na organisasyon ang walang dynamics. Patunay na buhay na buhay ang hanay ng oposisyon. Patunay ang mga reaksyon ng mga netizen na itinuturing ang mga sarili bilang bahagi ng oposisyon. May mga sumasang-ayon at may tumututol.

Patuloy na umiinog ang oposisyon. Ngunit may isang kalatas ang aming napapansin: Isa ang kandidato ng totoong oposisyon sa halalan. Walang Grace Poe na hahati sa boto ng puwersang demokratiko. Walang tao na pumapapel na tagabulong, o Rasputin. Walang tagasulsol. Malinaw ang oposisyon kahit maraming tinig, kahit hindi nagkakaisa sa ngayon.

***

MAY mga nagtatanong kung saan tumatayo si Sonny Trillanes. Ano ang kanyang paninindigan sa maraming usapin ng bayan? Malinaw ang kanyang salita na kung siya ang pangulo, dadalhin niya si Rodrigo Duterte at mga kapanalig sa kulungan. Ito ang kinakatakutan ng sindikato mula Davao City: ang habulin sila at papanagutin sa kanilang mga krimen.

Sa kanyang pagharap kamakailan sa online miting sa mga alumni ng Ateneo University, sinabi niya na pangunahin sa kanyang agenda ang pandemya at ang pagkamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Iniharap niya ang kanyang 10-point program upang labanan ang pandemya na hindi kayang sugpuin ni Duterte.

Ipinahayag niya na “labis na mahina” ang foreign policy sa Fiipinas sa China, habang tinalakay ang kanyang agenda kung paano pahihintuin ang pangangamkam ng China sa ating teritoryo. Sa maikli, babaligtarin niya ang paninindigan ng gobyernong Duterte. Hindi siya makikipaglambutsingan sa mga Intsik.

Tinalakay ni Sonny Trilanes ang kanyang programa upang patigilin ang pagpasok ng ilegal na droga sa Filipinas. Alam niya galing sa China ang malaking bahagi ng droga sa bansa. Kasama ang pagpapalakas ng kakayahan sa pangangalap ng intelligence information tungkol sa mga nagpupuslit ng droga sa bansa. Pinangangatawanan niya ang pagdaraos ng mga larong palakasan upang ilayo ang kabataan sa droga.

Binanggit ni Trillanes ang reporma sa PNP na ang layunin ay palakasin ang kasanayan ng mga pulis sa kanilang trabaho at itigil ang kanilang pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain tulad ng jueteng, sabong, at pasugalan. May programa kontra korapsyon upang madakip at maalis sa tungkulin ang mga tiwaling opisyales at tauhan sa gobyerno.