Advertisers
HINDI pa napapanahon ang pagtatanggal ng polisiya hinggil sa pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar, lalo na ngayong mababa pa ang vaccine coverage ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ang tugon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno sa national government na huwag nang pagamitin ng face shield ang mga mamamayan.
“Okay ang mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na vaccination coverage natin,” ayon kay Duque.
Paliwanag niya, sa ngayon ay hindi pa maaaring tanggalin ang face shield policy dahil ang two-dose vaccination coverage ng bansa ay nasa lampas 2% pa lamang dahil na rin sa kakulangan ng suplay ng bakuna.
Nabatid na aabot pa lamang sa 3.9 milyong indibidwal ang nabakunahan sa bansa hanggang noong Mayo 30.
Malayo pa ito sa target ng pamahalaan na makapagbakuna ng mula 58 milyon hanggang 70 milyong indibidwal hanggang sa katapusan ng taong ito upang maabot ang herd immunity.
Idinagdag pa ni Duque na ang paggamit ng face shield ay suportado ng siyensiya kung saan lumilitaw na ang pagsusuot ng face mask at face shield, na sasamahan pa ng social distancing ay nagkakaloob ng higit pa sa 95% proteksiyon laban sa COVID-19 sa isang indibidwal.
Samantala, maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay tutol sa suhestiyon na huwag nang gumamit ng face shield sa pampublikong lugar.
Binigyan-diin ni DILG spokesperon Jonathan Malaya na karagdagang layer ng proteksyon laban sa COVID-19 ang paggamit ng face shield.
Katwiran nito, kapag tatanggalin ito kailangan palitan ito ng isa pang uri ng proteksyon, na ayon kay Malaya ay ang bakuna kontra COVID-19. (Andi Garcia/Josephine Patricio)