Advertisers
UMAPELA ang Department of Health (DOH) sa mahigit isang milyong katao na hindi na bumalik magpaturok ng second dose ng covid-19 vaccine na kumpletuhin ang bakuna upang maging protektado laban sa covid-19.
Ayon kay Dr. John Wong, miyembro ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) Sub Technical Working Group on Data Analysis, lumitaw sa datos na 3.1 milyon dose ng Sinovac ang naunang naiturok at nasa 1.5 milyon lang ang bumalik upang kumpletuhin ang kanilang bakuna.
Paliwanag ni Dr. Wong, ilan sa mga dahilan ng hindi pagbalik ng mga nabakunahan ay ang pagkatakot dahil sa naranasang side effects, kakulangan sa suplay ng vaccine, ang maling paniniwala na sila ay ganap ng protektado dahil naturukan na ng first dose, at problema sa schedule at transportasyon.
Gayunman, nilinaw ni Dr. Wong na hindi sapat ang proteksyon kung hindi makukumpleto ang dalawang dosage.
Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco T. Duque III na ang mga taong naka-missed ng kanilang scheduled second dose ay maaari pa ring mabakunahan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na kumpletuhin ang kanilang required doses para magkaroon ng full protection laban sa COVID-19, hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay. (Jonah Mallari/Andi Garcia)