Advertisers

Advertisers

NA-ONSE NG TRESE (Part 2 )

0 778

Advertisers

Ni ATTY. NICK NANGIT 

SI Santelmo na may mukha ng tao sa lumulutang na apoy ay nauutusan gamit ang selpon, para makipaglaro at magsilbing tila bomba sa mga kalaban. Nandiyan din ang Bagyon Kulimlim at ama niyang si Bagyon Lektro na nag-oopisina sa umano’y Meralco.

Hindi pa rin ganyan ang santelmo na nakikita lamang tuwing takipsilim, para bantayan ang elemento ng apoy sa kanayunan, at lalong hindi ganyan ang mga elemental ng kalangitan na taglay ang kapangyarihan ng kulog at kidlat.



Walang linya ang elemental na tubig. Tila isa siyang Kataw na miyembro ng konseho sa balat nitong may kaliskis at may hilatsang shokoy sa Pedro Penduko.

Merong white lady, kapre, manananggal, emisaryo ng diyosa ng kamatayan na si Ibu, at ang daming tiyanak, zombies, at aswang (na hango sa Ibwa, Sigbin at Xa Mul), bukod pa sa Kambal na sina Basilio’t Crispin na mga demigod na anak daw ng isang diyos ng digmaan sa Mindanao, pero nag-aanyong parang mga Men in Black na alien.

Sa dami ng mga ipinasok na karakter, nagmukha tuloy na chopsuey ang palabas. Sana, hindi nilahat ang ipinintang imahen ng mga engkanto, kundi pinagbasehan lamang, para maglaro pa rin sa kaisipan na “baka nga” may ganoong mga uri ng halimaw. Ang itinatatak kasi ng serye sa atin ay maligno, masama, at kumakain ng tao sila.

Kaya nakalalamang pa rin ang mga banyagang cartoon. Ang XMen, MIB, at Batman ay puro ginawan ng sariling mundo at may mga dahilan para manatiling lihim o para lumantad ang mga bida. Ang Professor Xavier school, ang MIB offices, at Gotham City ay nilikha lang talaga, para mag mukhang kapani-paniwala at hindi katawa-tawa.

Labis kasing binigyan ng Trese ang mga karakter nito ng modernong hulma at abilidad, para lang maging cool at maka-relate ang mga milenyal na mahilig sa Mobile Legends at DOTA, pero sa proseso ng adaptation, nakalimutan muli ng mga lumikha ang responsibilidad nila sa publiko na galangin ang mga katutubong paniniwala.

Anya pa nga nung propesor daw sa pag-aaral ng pelikula na si Bliss Lim na in-update ang mga kinagisnan natin, pero sa totoo lang ay winasak lamang ng Trese ang katotohanan sa mundo ng kababalaghan bunga ng kalikutan ng kokote ng iilan, makamit lang sa mabilisang paraan ang katanyagan at kaperahan dulot ng komersyalismo.



Kumbaga, na-onse tayo ng Trese!

Walang pinagkaiba ito sa galawan ng katol network at ng mga gumagawa ng basurang katatakutan na sinasamantala lang ang kawalan ng tamang kamalayan, kahit pa nilagyan ito ng mga bagay na tatak Pinoy, gaya ng jeep at mga kalye.

Sayang, dahil naging bahagi pa naman nitong serye ang mga sikat na celebrities na may dugong Pinoy na sina Darren Criss, Lou Diamond Phillips, at Nicole Scherzinger, bagama’t sa isang banda ay makatutulong naman sila sa pagkilala ng mundo na may mga ganito palang paniniwala sa dakong Silangan.

Yun nga lang, mababaw pa rin at distorted ulit ang ipupukol sa kaisipan ng mga Pinoy, lalo na sa mga kabataan, tungkol sa mayaman at malalim na kultura ng ating mga ninuno at tradisyon pagdating sa kababalaghan.

Kung layunin ng Trese na magdala si Alexandra ng balanse sa pagitan ng sangkatauhan at ng mga engkanto, sana ay hinigitan niya ang mga kakayanan nina Elektra, Grimm, at Constantine.

Kaso, kulang pa rin sa wastong saliksik ang seryeng ito, kahit pa sabihing may “artistic license” sila at kahit ba diniligan pa ito ng mga diyos diyosan at baybayin.

Sa totoo lang ulit, kulang na kulang kasi sa kaalaman tungkol sa kababalaghan ang mga bumubuo nito. Mababaw lang ang kanilang mga kinamulatan. Sa isang panayam nga, in-assume pa ng isang staff na kung ano ang kinalakihan niya ay yun din ang kinalakihan ng lahat. Speak for yourself, pwede ba?! Hindi pa nila batid na may balik ang kalokohan ng ilang bahagi nitong serye sa kanila.

Panoorin lang ang Trese para maaliw at maging proud na nakikilala ang ating lahi, hindi para paniwalaan o maunawaan ang kulturang Pinoy.

Para sa iba pang kaalaman, magSubscribe at Watch lang ng buo, pati ads, sa Nickstradamus channel ng YouTube.

At para naman sa mga katanungang saykismo, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards o mga made-to-order crystals, mag sulatroniko lang sa [email protected].

Hanggang sa muli, Light Love and Life, Namaste