Advertisers
Ni Atty. Nick Nangit
MARAMING nagbago at marami ring napagtanto tayo sa ating mga sarili mula noong nagka-pandemya. Hindi lamang mga karaniwang tao ang nakaranas nitong pagbabago at pagbubukas ng kaisipan kundi maging ang mga nasa likod ng puting tabing. Isa na riyan si Alvin Kirby Liwanag Salumbides na mas kilala sa pangalang Rocky Salumbides.
Una kong napanood si Rocky sa pelikulang Muli na nag-premiere sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o CCP noong Cinemalaya 2010.
Napakahusay niya roon bilang si Roland Castro kaya’t pinanood ko rin ang kasabay na Tarima na ginampanan niya ang karakter ni Bryan. Nanalo si Rocky ng Best Supporting Actor at noong sumunod na taon, 2011 ay iginawad din sa kanya ng Golden Screen ang pagkilala bilang Breakthrough Performance by an Actor.
Nasundan ang kanyang nakamit na parangal ng Filipino New Cinema Award noong 2015 sa World Premieres Film Festival. Nagwagi siya rito ng Best Performance by a Supporting Actor para sa pelikulang Piring.
Noong 2016 ay kinilala siya ng C1 Originals na Best Actor para sa papel na Mario Ungo sa pelikulang Lily. Tinanghal din siyang Best Actor sa Cinemalaya 2019 para sa pelikulang Gatilyo sa Short Film Category.
Bukod pa sa mga karangalang ito na nagpapatunay sa kahusayan niya sa pagganap, naging nominado rin si Rocky sa Star Awards 2011, Gawad Urian 2011, Young Critics Circle 2018, at Film Academy of the Philippines 2018. Ang pinakahuli niyang pagtatanghal ay sa Afterlife nitong 2020 bilang si Romy.
Kapansin-pansin na mula sa pagiging isang kilalang international model, dahil sa taglay niyang kulay at tangkad, kumislap at lalong hinangaan ng industriya at ng mga manonood si Rocky bilang isang aktor at bilang isa ring housemate sa natapos na reality TV show na PBB noong 2009 at bilang doktor sa Magpakailanman ng GMA noong 2013.
Tunay ngang nananalaytay sa kanyang dugo ang kagalingan ng lolo niyang isa ring aktor, si Vicente Salumbides.
Nakadaupang palad natin si Rocky at pinaunlakan naman niya tayo sa ilan nating katanungan.
N: Kumusta? Anong pinagkakaabalahan mo ngayon?
R: Wala akong pinagkakaabalahan pero minsan ay ang pagtatanim (nagpapaturo ako sa Danizon Farm). Malaya akong pansamantalang naninirahan dito sa isla ng Mindoro. Ninanamnam ko ang kalikasan.
Bago pa si Rocky lumabas ng Manila (noong pinahintulutan na ng pamahalaan ang pagbyahe), nakakapag-usap na kami, at isa sa mga paksang malapit sa kanyang puso ay ang malalim na pag-unawa sa ating kapaligiran. Nais niyang ibalik ang pagkakakilala sa sarili na tila hinahanap niya ng ilang taon kung kailan ay lagi siyang nasa harap ng camera.
Nakatutuwa na natutupad na rin ang pakikiisa niya sa mga biyaya ng lupa na tugma naman sa kanyang zodiac sign na Virgo.
N: Paano mo hinarap ang pagsubok ng pandemya bilang isang artista, mula 2020 hanggang sa kasalukuyan?
R: ARTISTA pa ba ako? Parang hindi naman. Artista lang ako pag may trabaho. Hinarap ko ang pandemya, kagaya ng mga normal at abnormal na tao, sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-iwas sa mga matataong lugar, pero minsan (dahil sa pakikisama) dumadalo rin sa mga gatherings na dapat magpakita na suot ang mask etc. at laging gumagamit ng alcohol para iwas sakit. Madalas akong isolated.
Sadyang mapagkumbaba at mapagbiro si Rocky sa likod ng kanyang kasikatan. Naihihiwalay niya ang pagiging artista sa pagiging isang pangkaraniwang mamamayan. Napansin ko na nakatulong ang pandemya sa pagpapasya niyang tahakin ang bagong kabanata ng buhay, dahil hindi lingid sa ating kaalaman na marami ring mga artista ang nag-iba na ng pinagkakaabalahan dahil sa pagsubok na dala ng pandemya.
N: Ano ang binabalak mong pagkaabalahan sa hinaharap?
R: Sa ngayon, hindi ko pa alam. Dahil mas matimbang sa akin ang mawala muna parang bula. Yan ang totoo, Nick. Nilalabanan ko yan araw-araw ng maraming taon. Yan ang tunay kong pinagkakaabalahan ngayon. At gaya ng ibang tao na may mga pinagdaraanan din sa buhay, hinaharap ko itong mag-isa, akin ito, anuman ang mangyari, sa akin ang sisi, sarili ko lang, at buhay ko ito. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari, pero ito ang “ngayon” ng buhay ko.
Nauunawaan ko si Rocky. Dumarating talaga sa ating mga buhay na hanapin ang ating mga sarili, dahil namumulat tayo sa katotohanang nagbabago ang kapaligiran. May mga katanungan din tayo na hinahanapan natin ng kasagutan, kung saan at paano.
Ang Taon ng Daga noong 2020 ay kasundo ng kanyang Taon kaya’t nabuo agad sa kanyang kaisipan ang bagong landas na haharapin. Madali niyang masasabayan ang iba pang pagbabagong dala ng elemento ng Hangin.
Malalim si Rocky mag-isip. Ilang beses ang pinag-uusapan namin ay tungkol sa katotohanan ng paglikha, layunin ng buhay, at patutunguhan ng sangkatauhan. Dito marahil humuhugot siya ng lakas at kagalingan, para maunawaan ang bawa’t gagampanang katauhan.
Hindi naman isinasara ni Rocky ang pintuan ng pinilakang tabing. Nais muna niyang ayusin ang sarili dahil nauunawaan niya na ang tagumpay ay hiram lamang.
Mahalagang maging tapat siya at tayong lahat sa ating mga sarili, upang mahanap din natin ang tunay na anyo ng kaligayahan. Malinaw na epekto ito ng Pluto Rx na nagdadala ng reyalisasyon at ng Neptune Rx na naglalahad ng katotohanan.
Para sa iba pang dagdag kaalaman, mag Subscribe, Watch, at Share lang ang Nickstradamus channel ng YouTube, lalo na ang LIVE tuwing Biyernes 11pm Philippine Standard Time. Saksihan ngayong Hulyo 9 ang paksang Gayuma at Kulam. Huwag ito palalagpasin.
At para naman sa mga katanungang saykismo, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards, at sa mga made-to-order crystals, makipag-ugnayan lang sa sulatronikong nickstradamus2018@gmail.com.
Hanggang sa muli, Light Love and Life, Namaste!