Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na siyam na siyudad na ngayon sa National Capital Region (NCR) ang nakapagtala na ng kaso ng Delta variant ng COVID-19.
“Nine out of the 17 cities in NCR are with Delta variant as of August 1,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang Laging Handa press briefing.
Sinabi ni Vergeire na kabilang sa mga naturang lungsod ang Malabon na may apat na kaso na ng Delta variant; Makati na may tatlong kaso; San Juan na may dalawang kaso; Las Piñas na may 14 na kaso; Valenzuela na may isang kaso; Pasig na may anim na kaso; Mandaluyong na may dalawang kaso; Maynila na may 12 kaso; at Caloocan na may apat na kaso.
Batay sa datos ng DOH, sa kasalukuyan ang Pilipinas ay mayroon nang 216 kumpirmadong kaso ng Delta variant.
Kasabay nito, iniulat rin ni Vergeire na ang NCR ay nakapagtala na rin ng average na 1,535 bagong kaso ng COVID-19 kada araw, mula Hulyo 27 hanggang Agosto 2.
Ito ay 65% umanong mas mataas kumpara sa naitalang mga kaso noong nakaraang linggo.
Sa ngayon, ang Pateros at Malabon ay klinasipika na bilang critical-risk areas dahil sa kanilang mataas na two-week case growth rate at average daily attack rate (ADAR) habang ang iba pa namang lungsod sa Metro Manila ay nasa high-risk naman dahil sa mataas na ADAR, maliban sa Marikina at Caloocan.
Ang Las Piñas naman ang nakapagtala ng pinakamataas na intensive care unit (ICU) utilization rate sa 86%, kasunod ang Muntinlupa na nasa 72% at Quezon City na nasa 71%.
Ang ICU occupancy rate naman sa lahat ng lungsod ay nasa moderate-risk to low-risk zone.
Batay naman sa datos mula sa National Vaccination Operations Center, lumilitaw na hanggang Agosto 1, nasa 48.55% o 4.7 milyon na sa mahigit 9.6 milyong adults sa Metro Manila ang nakatanggap ng hanggang isang dose ng COVID-19 vaccine.
Mayroon naman nang kabuuang 3,471,666 indibidwal sa rehiyon ang fully-vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna.
Ang Metro Manila ay nakatakda nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) simula Agosto 6 hanggang 20 bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na mapigilan pa ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 sa rehiyon. (Andi Garcia)