Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
KUNG hindi man na-renew ang kontrata ng dating Kapuso actress na si Kris Bernal sa GMA-7, hindi naman ibig sabihin ay wala nang prodyuser na interesadong kunin ang kanyang serbisyo.
Katunayan, nagkaroon pa siya ng serye sa TV-5 na Ate ng Ate Ko na nagwakas noong Pebrero.
Just recently, masayang-masaya si Kris dahil sa kabila ng pandemya ay may production company na kumuha ng kanyang serbisyo.
Magiging ganap na Regal Baby na si Kris at nakatakda siyang pumirma ng kontrata sa Regal Entertainment anytime soon.
Nakapag-photoshoot na rin siya kamakailan kasama ang ilan pang bagong talents ng Regal para sa isang special event.
Sa kanya namang Instagram story ay ibinahagi niya ang ilang behind-the scenes kasama ang iba pang talents ng ALV Talent Circuit para sa nasabing photoshoot.
Sa naturang pictorial, kasama ni Kris sina Teejay Marquez, Arnold Vegafria ng ALV Talent Circuit, at Roselle Monteverde ng Regal Entertainment.
Hindi naman malabo na mapapanood pa rin si Kris sa GMA-7 dahil sa bagong telemovie collaboration ng GMA at Regal ngayong 2021.
Kamakailan lang, ibinahagi ni Kris ang prenuptial video nila ng kanyang fiancé na si Perry Choi, isang chef, na kinunan sa Nasugbu, Batangas.
Sa kanilang prenuptial video, bakas ang kaligayahan ng engaged couple.
Wala pang inanunsyong petsa ang dalawa hinggil sa kanilang wedding date.
Matatandaang na-depressed noon si Kris dahil naurong nang naurong ang kasal nila ni Perry dahil sa surge ng Covid-19 cases sa bansa.
Hopeful naman ang couple na blessing in disguise rin ang pagkaka-postpone ng kanilang wedding para may panahon silang mas makapaghanda.
Ang sinisigurado lang daw nila, kung naantala man ang kanilang pag-iisang dibdib, wala raw namang makapipigil dito kahit na ang global health crisis.