Advertisers
OPISYAL nang umatras sa pagtakbo bilang alkalde ng Maynila si 1st district Rep. Manny Lopez makaraang maghain ito ng kanyang certificate of candidacy (CoC) nitong Biyernes, Oct. 8 hindi bilang mayoral candidate kundi bilang reelectionist Congressman.
Ang pangyayaring ito ay nagkumpirma sa balitang kumalat sa social media buong araw ng Huwebes na si Lopez ay umatras na sa kanyang naunang anunsyo nang pagktakbo bilang alkalde ng Maynila.
Isa sa mga coordinators ni Lopez ang nagpost sa kanyang Facebook ng anunsyo ng pag-atras ni Lopez, pero tinanggal din ito makalipas ang ilang minuto at pinasinungalingan ang anunsyo.
Ang leading mayoral bet at concurrent Vice Mayor ng Maynila na si Honey Lacuna ay nagsabi na siya at ang kanyang runningmate na si Yul Servo, na kasalukuyang third district Congressman at House Deputy Majority Floor Leader, ay kapwa nagmamasid lamang pero nakatuon ang atensyon sa kanilang mga plano para sa lalong ikabubuti ng lungsod.
“Marami pa pong maaring mangyari. Maghintay na lang po tayo hanggang November 15,” pahayag ni Lacuna habang tinutukoy ang deadline kung saan puwede pang mangyari ang substitution . Nabatid na isa sa mga kandidato ni Lopez bilang konsehal ay naghain ng CoC bilang mayor.
“Basta ako po, tulad ni Yorme, tuloy sa trabaho na iniatas sa akin at patuloy naming palalakasin ang aming samahan sa Asenso Manileno,” dagdag ni Lacuna.
Ang tandem nila Lacuna-Servo sa Maynila ay inendorso ni Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno bilang nag-iisang tambalan na magpapatuloy ng lahat ng kanyang nasimulan sa kanyang administrasyon.
Simula nang maupo bilang alkalde noong 2019, sinabi ni Moreno na suportado ni Lacuna ang lahat ng kanyang programa bilang Presiding Officer ng 38-member na Manila City Council na may malaki ring ambag sa tagumpay ng mga programa ng alkalde.
Bilang isang doktora, inatasan ni Moreno si Lacuna na pamunuan ang health cluster ng lungsod kabilang na ang mass vaccination program katulong si Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Si Servo, sa kabilang banda ay nagsilbi bilang three-term Manila Councilor sa loob ng siyam na taon at kasalukuyang nasa ikalawang termino bilang Congressman ng third district ng Maynila.
Sinabi ni Moreno na ang karanasan ni Servo sa Congress ay magagamit nito upang pamunuan ang Manila City Council na siyang gumagawa ng mga lokal na batas at maging isang nagtatrabahong Vice Mayor para kay Lacuna. (ANDI GARCIA)