Advertisers
DINAKIP ng mga pulis nitong Sabado ng gabi sa Mandaluyong City ang aktor na si Jake Cuenca matapos mabangga ng kanyang SUV ang isang sasakyang gamit ng mga pulis.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director, Brigadier General Matthew Bacay, dumaan ang SUV ng aktor at nabangga nito ang sasakyan ng mga pulis bandang 9:00 ng gabi.
Hindi umano tumigil ang SUV kaya hinabol ito ng mga pulis hanggang makarating sila sa may Shaw Boulevard sa Pasig City, kuwento ni Bacay sa panayam sa Dobol B TV nitong Linggo.
Nang maabutan ng mga pulis ang SUV, doon na nakilala ang driver nito na si Cuenca.
Ayon kay Bacay, kasalukuyang sumasailalim si Cuenca sa medical examination nitong Linggo ng umaga.
Magkakaroon daw ng inquest proceeding nitong Linggo dahil magsasampa ng kasong ‘reckless imprudence resulting in damage to property’ ang Mandaluyong Police laban sa aktor, sabi ni Bacay.
Wala naman ilegal na nakita sa loob ng SUV ni Cuenca.
Ayon kay Bacay, nang hinahabol ng mga pulis ang SUV, nagpaputok ang mga ito at may stray bullet na nakatama sa isang Grab driver.
“In the course of the chase nila, ‘yung mga personnel natin had to disable ‘yung sasakyan, pinaputukan ‘yung gulong. May tinamaan na Grab driver,” ani Bacay.
Dinala sa ospital ang biktima at siya ngayon ay nasa stable condition na.
Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang sasakyan ng aktor. Isasailalim ito sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operation team.