Advertisers

Advertisers

978K low-income SSS members makatatanggap ng P2K ayuda

0 6

Advertisers

INAASAHANG makatatanggap sa susunod na linggo ang kabuuang 978,290 kwalipikadong miyembro ng Social Security System (SSS) na kabilang sa low-income sector ng kanilang paunang tulong na nagkakahalaga ng Php2,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance.

Sinabi ni Undersecretary Adonis Sulit ng Policy and Planning Group (PPG) ng DSWD sa lingguhang Media Forum sa New Press Center na naisumite na ng SSS sa LandBank ang listahan ng mga miyembrong may mababang kita para sa pagproseso.

Kaugnay nito ipinaliwanag ng DSWD-PPG undersecretary sa media na ang unang batch ay binubuo ng mga kwalipikadong empleyadong miyembro ng SSS na ang mga rekord ay matagumpay na na-match sa Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nagsisilbing batayan sa pagtukoy ng mga karapat-dapat na benepisyaryo.



“So, magandang balita para sa mga beneficiary ng Group 3, malapit na, yung 978,000 will receive their initial tranche of Php2,000,” dagdag pa ng opisyal ng DSWD.

Sakop ng Group 3 ang tinatayang 1.5 milyong low-income SSS members, na makatatanggap ng kanilang Php2,000 buwan-buwan sa pamamagitan ng kanilang disbursement accounts mula Hulyo hanggang Disyembre 2026.



Upang maging kwalipikado sa grupong ito, ang mga benepisyaryo ay dapat kasalukuyang may trabaho, nakapagbayad ng kahit isang kontribusyon sa nakalipas na taon, may monthly salary credit na hindi hihigit sa Php20,249, at mayroong disbursement account.

Ipinaliwanag ni Undersecretary Sulit na sa 1.5 milyong target na miyembro ng SSS, ang 978,290 lamang na unang naitala ang nakapag-enroll na ng kanilang disbursement accounts.



Samantala hinikayat ng opisyal ng DSWD ang mga kwalipikadong miyembro ng SSS na iproseso ang pagbubukas ng kanilang disbursement accounts sa lalong madaling panahon, dahil target ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na maabot ang lahat ng 1.5 milyong benepisyaryo ng Group 3.

Tiniyak din ng opisyal ng DSWD sa lahat ng benepisyaryo na ang unang payout ay ipoproseso sa Agosto na matatanggap pa rin nila ang kanilang Php2,000 na tulong para sa buwan ng Hulyo, alinsunod sa direktiba ni Secretary Gatchalian. (Boy Celario)