Advertisers
IDINIIN ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat tiyaking sasapat ang badyet ng Department of Health upang masustina at mapalawak pa ang pagsisikap na masawata ang COVID-19 pandemic.
Ang panukalang badyet ng DOH sa 2022 ay pinagdebatehan sa Finance Subcommittee “D” na pinangunahan ni Sen. Pia Cayetano.
Sa kanyang manipestasyon sa pagdinig, nanawagan si Go, chairman ng Senate Committee on Health at vice chair ng Senate Committee on Finance, ng karagdagang resources para matiyak ang patuloy na probisyon ng allowances para sa healthcare workers (HCWs).
“Sa ating laban kontra COVID-19, isa sa pinakaimportante na dapat nating masigurado ay ang kapakanan ng ating healthcare workers. Sabi ko nga, hindi naman mababayaran ng kahit anuman ang buhay (nila), ngunit mahalaga ito bilang pagkilala sa sakripisyo ng ating mga healthcare workers para sa ating bayan,” ayon sa senador.
Iginiit ni Go ang kanyang apela na maipasa ang panukala na magbibigay ng fixed monthly allowance sa HCWs sa panahon ng state of emergency.
Isinasaalang-alang ng Senate Bill No. 2421 ang naunang panukalang batas na iniakda ni Go na magbibigay ng COVID-19 Risk Allowance kapalit ng special allowance sa peligro, aktibong hazard duty pay, life insurance, at iba pang allowance na ipinagkaloob sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ang lahat ng HCWs na naka-deploy sa “low risk areas” ay bibigyan ng P3,000; ang nasa “medium risk areas” ay P6,000 habang ang nasa “high risk areas” ay pagkakalooban ng P9,000.
Sinabi ni Go na sa ilalim ng panukalang ito, mas maraming healthcare workers na ang makatatanggap ng allowances.
Hindi na ito limitado lamang sa directly exposed sa COVID-19 patients dahil hindi naman talaga alam kung sino ang exposed sa virus.
Alinsunod dito, nanawagan din si Go para sa sapat na pagkakaloob ng pondo sa pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtataas sa antas ng suweldo ng mga posisyon ng Nurse II mula sa SG 15 hanggang SG 16.
“We do not want low morale among the ranks of our nurses. Nagsasakripisyo rin po ang mga ito. We should thus provide them with better pay,” anang senador.
Dahil sa mahalagang papel nito sa pagtugon sa pandemya, humingi rin si Go ng suporta para sa karagdagang pondo ng Research Institute for Tropical Medicine na siyang pioneer ng testing center sa bansa.
“We all know that the RITM was our primary testing center at the start of the pandemic. Naalala ko nga noong 2019 ‘yon pa ang binawasan at nagkataon ito pa ang isa sa pinakaimportanteng opisina ng DOH. Hindi natin akalain na ang RITM na po nauna na nakapag-conduct ng test,” ani Go.
“Nakapag-sumite na ang DOH sa (Commission on Audit) ng kanilang Agency Action Plan and Status of Implementation. Kaya kung may kakulangan man, dapat iwasto agad at pagbutihin lalo ang trabaho,” ayon sa mambabatas.