Advertisers
NAUNA na naman ang Maynila sa pagiging handa para sa posibilidad na magkaroon na ng face-to-face classes.
Personal na binisita ni Mayor Isko Moreno ang Aurora Quezon Elementary School sa Maynila kasama sina City Engineer Armand Andres at Division of Cty Schools Superintendent Magdalena Lim para inspeksyunin ang kahandaan ng naturang paaralan.
Nagpalagay ng acrylic barriers para proteksyunan ang mga estudyante at may sapat ding distansiya sa bawat isa kada classroom para mapanatag ang mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Di na mabilang ang dami ng ginawang proyekto ni Mayor at ngayon ay kandidatong Pangulo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko na si Isko Moreno.
Kaya naman di nakapagtatakang kaliwa’t kanan ang paninirang inaabot niya lalo na sa social media dahil siya lamang naman talaga ang dapat na katakutan ng mga tumatakbong Presidente.
Balewala lahat kay Mayor Isko ang mga banat na inaabot niya pero talagang hindi maganda ‘yung paglitaw ng hashtag na pinaaatras siya sa pagtakbo. Ayokong magbintang pero nagkataon lang kaya na lumabas ito nung magharap ng kandidatura si Vice President Leni Robredo?
Bakit kailangang paatrasin si Mayor Isko? Bakit hindi ‘yung ibang kandidato?
Madamdamin ang naging tugon ni Mayor Isko dito. Aniya, may ilan kasi na di matanggap na basurero lang ang mamumuno sa kanila. Sila ang mga pinagpalang may gintong kutsara sa bibig. Sila ang magaling at may mataas na estado kaysa sa iba kaya di nila matanggap.
“Marami nagsalita sa akin, hindi ninyo malalamon…lahat ng masasakit nasabi na sa akin. Kahapon lamang, tinawag pa akong porno star. Di naman, ST (sex trip movies) lang. Akalain mo, pati brief ko? “Totoo po masakit eh. Para bang pag mahirap ka, wala ka nang karapatang umangat dahil di ka katanggap- tanggap sa kanila…. mga moralista, mga disente— disente kuno. Pag di ka sumang-ayon sa kanila, sa impiyerno ka mapupunta. Wala na ba kaming karapatang magbago ang buhay?” Oo nga naman.
Eto pa. Nung sumagot si Mayor Isko sa tanong ng mga reporter ukol sa isyung pinupukol sa kanya ni Robredo, si Mayor Isko pa ang pinalalabas na bastos, samantalang sumagot lang siya sa tanong at hindi rin siya ang unang umatake. Nananahimik siya pero inatake siya ni Robredo.
“Kaming galing sa wala na nagsumikap, me karapatan din kaming ipagtanggol ang aming dignidad. Hindi ibig sabihin pag sumagot, bastos na agad? Matapobre tawag dun. Kung me na-offend, I’m sorry. Di ako anghel, di ako perpekto pero lahat ng tao na tinatanong at inaakusahan, dapat na sumagot. Di porke mahirap kami, pag sumagot kami bastos na.”
Tumpak. Inuulit ko, hindi si Mayor Isko ang nagsimula. Sumagot lang siya nung hingan ng mga reporter ng sagot o komento tungkol sa banat sa kanya ni Robredo. Sana maliwanagan ang lahat. Wag sana tayong tanga.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.