Advertisers
BAHAGI ng aming trabaho ang mag-interbyu, magsaliksik at mag-analisa ng sitwasyon upang makabuo ng isang makabuluhang balita. Dahil sa pinaiiral na paghigpit sa galaw sa bansa dulot ng pandemya, may mga makabagong paraan upang mapaabot ang amin mensahe. Pinakamahalaga ang social media.
Ang internet ang pinakamainam na mapagkukuhanan ng mahalagang impormasyon. Nagagamit din ang socmed pagkakaibigan, pagliligawan, negosyo at politika. Nagagamit din ito sa panloloko at panlalamang.
Sa araw araw na pagbisita sa social media ay nabababasa ang matinding kagatan ng mga suporter ng lahat ng panig bawat kandidato. Naglabasan ang mga henyo sa pag-analisa o analyst na minsan nang tinawag ng batikang kolumnista, Neil Cruz na anals; at mga tagapagtaguyod ng pekeng survey at balita maiangat lang ang pangalan ng mga kandidatong kanilang sinasamba. Bahagi ng malayang pagbabangayan. Mahalaga na maging mapanuri sa pinagkukuhanan ng lehitimong balita na kanilang ibinubuga.
***
BIKTIMA si Samira Gutoc ng bagsik ng mapanirang paratang sa social media ng mga tagahanga ni Leni Robredo nang lumipat siya sa partido Aksyon Demokratiko ni Isko Moreno. Nilarawan siyang traydor sa samahan.
Nakakatawa ang mga nagdudunong dunungan na mga elemento sa hanay ng mga tagasuporta ni Leni Robredo. Sila ang mga panatiko na naniniwala na ang lahat ng gawin ni Leni ay tama. Marami ang tagahanga ni Leni, kabilang kami, na tinatabangan sa asta nila. Walang kaibahan sa mga bastos na trolls ng bangag na pangulo. Hindi nila maunawaan na matagal nang nagpahayag si Samira ng interes na sumabak bilang senador sa halalan. Naunawaan namin si Samira. Problema ang urong sulong sa pagdesisyon ni Leni–hanggang sa huling araw ng pagpapatala bilang kandidato sa panguluhan.
Hindi nila makita na marami rin lumayas sa Liberal Party dahil walang gumigiya at walang kasiguruhan na tatakbo si Leni. Katunayan, tatlo lamang ang myiembro ng partido Liberal sa kanilang grupo. Hindi nila matanggap na maging sila ay umangat ang puwet sa kahihintay sa pasiya ni Leni.
Hindi nila naiisip na malaki rin hatak ni Samira Gutoc sa Mindanao. Mas binigyan pa nila katuwiran ang pagsali sa alyansa ni Richard Gordon na laway lang ang puhunan sa samahan. Mas binigyan pa nila katuwiran ang pagtabihin si Sonny Trillanes at Jojo Binay sa isang upuan.
Libre ang social media. Ngunit sa asta nilang tila mga siga, huwag magtaka kung marami ang dumedistansya sa kanila. Maigi pa ituon nila ang kanilang mga mata sa grupo ng mga tulisan na nangongolekta ng donasyon na nakapaligid kay Leni na mistulang mga linta. Huwag kay Samira.
***
Malugod na binabati ng pitak na ito si Mackoy Villaroman na nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa edad na ewan.
***
Email:bootsfra@yahoo.com