Advertisers
TOP priority ni Senator Christopher “Bong” Go na mabigyan ng maayos na serbisyong pangkalusugan ang mga Filipino kasabay ng panawagan niya sa publiko na ingatan ang mga sarili habang patuloy na binabalanse ng gobyerno ang ekonomiya at health concerns ng lahat sa gitna ng pandemya.
Tiniyak ni Go na hindi tumitigil ang administrasyon upang maging maayos at magkaroon ng access ang bawat isa sa medical assistance at serbisyo sa pamamagitan na rin ng mga iniyatiba, gaya ng Malasakit Centers Program.
Sa kanyang mensahe sa isinagawang relief efforts ng mga tauhan sa Giporlos at Quinapondan sa Eastern Samar, sinabi ni Go sa publiko na madali na silang makapag-a-avail ng medical assistance programs sa Malasakit Center sa Eastern Samar Provincial Hospital sa Borongan City.
“Huwag kayong matakot pumunta sa ospital kung wala kayong pera. Nasa loob na ng isang opisina ang mga ahensya, tulad ng DSWD, DOH, PCSO, at PhilHealth, na tutulungan kayo para wala na kayong babayaran. Kung may balanseng naiwan, may pondong iniwan din si Pangulong Rodrigo Duterte para kung kaya ay magiging ‘zero balance’ ang billing niyo,” ang sabi ni Go.
Iginiit ng senador sa mga residente ng Samar na patuloy na suportahan ang government vaccination efforts sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
“Mga kababayan, tuluy-tuloy po ang pagbabakuna ng mga senior citizens, persons with comorbidities, economic frontliners at mga indigent. Magpabakuna na kayo para protektado kayo at maiiwasan niyo ang mga grabeng sintomas ng COVID-19. Huwag magkumpiyansa at may mas delikadong variant na tinatawag na Delta variant,” anang mambabatas.
Umaabot sa 2,000 vulnerable residents ang binigyan ng iba’t ibang klase ng ayuda ng grupo ni Go sa Giporlos Civic Center at Quinapondan Municipal Gymnasium.
Ayon kay Lawrence Cajipo, isang 19-anyos na estudyante, umaasa siya na sa kabila ng kanyang kapansanan, ay sisikapin niyang makapagtapos ng pag-aaral sa harap ng pandemya.
Labis niyang pinasalamatan si Senator Go na binigyan siya ng tulong at marami pang iba sa kasagsagan ng krisis.
“Mga kababayan ko, mag-ingat po tayo. Magdasal po tayo, magtulungan po tayo, magbayanihan po tayo, magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino. Nandidito lang po kami ni Pangulong Duterte na handang magserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya,” ani Go.
Nauna na ring namahagi ng tulong ang grupo ni Go sa underprivileged communities sa Borongan City, Dolores, Maydolong, San Julian, Sulat, Taft, Hernani, at Mercedes, pawang sa Samar.