Dahil sa suhestyon ni VM Honey at Doc Willie Ong: 40K na Molnupiravir na anti-COVID-19 drug binili ng Maynila – Isko
Advertisers
BUMILI ang Lungsod ng Maynila ng 40K na piraso ng anti-viral drug na Molnupiravir para sa mild at moderate na kaso ng COVID-19, ito ay sa kabila ng patuloy na pagbaba ng infection rate sa kabisera ng bansa.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor at Presidential aspirant Isko Moreno, na nagsabi na patuloy na bibili ang local government ng mga gamot na tutugon sa coronavirus, ito ay maliban pa sa Remdesivir na para din sa moderate at severe cases at Tocilizumab na para naman sa severe at critical cases.
Sinabi ni Moreno na sina Vice Mayor Honey Lacuna at runningmate, Doc Willlie Ong ang nagbigay ng suhestyon na bumili ng Molnupiravir, base na rin sa pagsisiyasat na mabisa ang nasabing gamot.
“Ipinagpapasalamat ko sa Diyos, patuloy ang pagbaba ng impeksyon sa Maynila. Medyo nama-manage na, pero may panganib pa rin…we will continue to acquire the needed medicines and strengthen our capability to treat,” sabi ni Moreno.
Base sa ulat ni Lacuna na kasama ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, bilang mga in charge sa mass vaccination program ng lungsod, mayroon lamang na 59 new cases na naiulat simula noong October 24, habang ang confirmed, active cases ay 586.
Iniulat din ni Lacuna na sa loob ng nakalipas na dalawang buwan, ang COVID cases sa Maynila ay nasa level na mababa pa sa 1,000.
Sinabi ng alkalde, na ang positibong resulta na ito ay bunga ng agresibong proseso ng mass vaccination sa Maynila at nang implementasyon ng open policy na bukas hindi lamang sa mga taga-Maynila kundi sa lahat ng mga non-residents ng lungsod.
Inatasan ni Moreno si Lacuna na isang doktor upang pangunahan ang mass vaccination program ng lungsod kung saan sa panimula ay gumamit ng 18 paaralan at apat na shopping malls bilang mga inoculation hubs.
Sa kasagsagan ng bakunahan, sinabi ni Moreno na bukas sa loob ng 14-oras ang mga vaccination sites kahit pa mga araw ng Sabado at Linggo o maging pista opisyal.
“Lagpas na lagpas na tayo sa minimum requirement na pinagawa sa atin ng national government and we will not stop… we will continue kahit sino me gusto, babakunahan natin hanggat meron tayong bakuna,” sabi ni Moreno.
Habang sinusulat ang balitang ito ang total vaccines na na-administer na sa Maynila ay umabot na ng 2.63 million kung saan 1.3 million indibidwal ang nabakunahan at 1.2 million ang fully vaccinated.
Sinabi pa ni Moreno na base sa Commission on Elections (Comelec) figures, ang target population 18 pataas 1.06 million habang sa Department of Health naman ay 1,451,487. (ANDI GARCIA)