Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
MAY potential na umarangkada ang showbiz career ng newbie actor na si Alfred Montero. Bukod sa look-alike siya ni Rocco Nacino, determinado si Alfred na maging matagumpay sa mundo ng showbiz.
Si Alfred ay graduate ng BA Communication Research sa PUP Manila. Nagsimula siya sa showbiz noong year 2020. Ang una niyang project ay ang Nagalit ang Patay sa Tagal ng Lamay, Da Resbak, directed by Zaldy Munda and Carlo Montero.
Bata pa lang ba, wish na niyang mag-artista? Tugon niya, “Hindi po artista pero sa showbiz and media po. Gusto ko po talagang maging reporter and performer. Pero sa katagalan po at kapapanood ng iba’t ibang palabas, gusto ko na rin pong maging artsta.”
Nag-acting workshop ba siya? “Before po, with my first project ay hindi po. Pure skills and talents honed by our community theater po. Pero after po niyon, nag-acting workshop po ako under Chase Creative Entertainment and training po ng fights kina Direk Al Nanca and Alas Stuntmen.”
Ngayon ay tampok si Alfred sa pelikulang Takas: Death Wish ni Direk Jose ‘Kaka’ Balagtas na nagkaroon ng Digital World Premiere noong Oct. 24 via www.iamrad.app. Bukod kay Alfred, tampok din sa pelikula sina Jamaica Balagtas, Bobby Henzon, Airah Zobel, Amay Bisaya, Isadora, at iba pa.
Nagpatikim ng kaunti si Alfred ukol sa pelikulang pinagbibidahan niya.
Aniya, “Naka-online streaming po ang Takas sa www.iamrad.app, ang Takas po ay tungkol sa nang-rape at pumatay po sa asawa ng main character. Papatayin na rin po sana ako pero nabuhay po ako, kaya po noong nabuhay po ako, yung nagligtas sa akin ay tinuruan akong bumaril at makipaglaban.
“Ginamit ko po ang lahat ng natutunan ko para maipaghiganti yung asawa ko sa gang po na gumawa po ng kawalanghiyaan sa kanya.”
Sino ang idol niyang local actor? “Sina Phillip Salvador at FPJ po, since idol din po kasi sila ng parents ko. Sila Richard Gutierrez, Dennis Trillo at Ian Veneracion din po. Sa mga almost ka-edad ko naman po ay sina Daniel Padilla at Enrique Gil,” esplika pa ni Alfred.
Sino namang aktor ang wish niyang sundan ang yapak?
Lahad niya, “FPJ po talaga pagdating sa action films. Iba po kasi talaga si FPJ, at icon na siya sa mundo ng showbz.”
Ano’ng mga project pa ang dapat abangan sa kanya? “Ngayon po, kakatapos lang ng Om-bag Family, sa film po, may mga nakapila pong waiting na lang sa call. Pero yung pinakaginagawa kong project ngayon is hosting po ng online game show po, na Bigatin Show po ang name.
“Tapos, malapit na rin pong ipalabas ang Security Academy, starring Jeric Raval, Ricardo Cepeda, Janice Jurado, Pamela Ortiz, Bing Davao, Tom Olivar, Mutya Datul, AJ Raval, ako po, at iba pa. Ang direktor po ay sina Direk Zaldy Munda at Direk Carlo Montero.”
Idinagdag pa ni Alfred na marami siyang naka-line up na projects like Nardong Kwago, Fredo 45 ng Tondo, Sexy Kumandos, Huling Tiktik ng Aswang, Buryong, at iba pa.
Kaya kung magtutuloy-tuloy ang magandang kapalaran niya sa pagiging aktor at maaalagaan ang kanyang career, sadyang may future siya sa mundo ng showbiz.