Advertisers

Advertisers

DAVAO OCCIDENTAL COCOLIFE DINISPATSA ANG AICC MANILA SA FILBASKET

0 316

Advertisers

NAKUHANG ipagpag ang kalawang ng armada ng Davao Occidental COCOLIFE Tigers bago dispatsahin ang mapusok na AICC Manila 90-87 via overtime sa tripleheader opening ng bagong torneong Filipino Basketball League (FILBASKET) kamakalawa ng gabi sa Subic Bay Gymnasium, SBMA sa Olongapo City.

Mistulang makinang diesel na matagal bago nag-init ang reigning MPBL Lakan Cup national champion Tigers na pag-aari nina Davao Occidental Gov. Claude Bautista at Rep. Claudine Bautista Lim sa suporta nina COCOLIFE President Atty. Jose Martin Loon, SVP Joseph Ronquillo, VP Rowena Asnan at EVP Franz Joie Araque, upang unti-unting tibagin ang bundok na itinambak ng Manileños sa loob ng halos tatlong yugto ng bakbakan.

Nagpamalas na ng bangis ang AICC Manila (dating Basilan Warriors) sa ikalawang yugto pa lamang nang lamangan ang powerhouse Mindanao Team ng double digit 34-23, 4:09 sa naturang quarter sa sanib- puwersa nina Cris Bitoon, Bobby Baculanag, Michael Juico at bigmen Joy Collado at Melvin Taganas tungo sa pagkamada ng 19-points spread sa kalagitnaan ng ikatlong kanto sa 56-37,tampok ang pagputok ng tres ni Fil-Canadian Jonathan Uyloan.



Nagsimulang uminit ang big guns ng Davao COCOLIFE na sina Tigers Billy Ray Robles, Bonbon Custodio, Alwin Alday, Joseph Terso at Allan Santos upang ibaba sa single digit ang lamang ng kalaban tampok ang humahagmit ng three-pointer ng asintadong Tiger na si John Wilson sa pagtiklop ng 3rd quarter, 61-54.

Nasaklit ng Tigers ang unang kalamangan sa drive ni Robles, 72-70, higit sa dalawang minuto ang nalalabi sa regulation na sinundan pa ng rainbow shots ni Wilson na naglapit sa napipintong come-from-behind victory na una sa FILBASKET.



Kahit nangmintis ng apat na beses sa tres ang lisensyadong shooter ng Manila na si Uyloan, di naman nawala ang kanyang kumpiyansa matapos itarak ang dalawang sunod na 3 pointers hanggang pagtunog ng buzzer upang dalhin ang laro sa extra period 78-78.

Bagama’t nagpatuloy ang mainit na kamay ni Uyloan sa overtime, hindi na hinayaang makaalagwa pa ang Manila sa determinasyon nina Tigers Wilson, Robles, Santos, para sa buwenamanong panalo ng Davao COCOLIFE at ipalasap ang unang pagkatalo ng AICC na may winning streak mula si Vis-Min Cup nang sila ay Basilan pa.



Tinanghal na FILBASKET best player of the game si Wilson na kumamada ng 21 big points kabilang na ang 4 of 5 sa three-point territory.

“Classic ang game ng both teams.Mabuti di bumitaw ang ating Tigers kahit malaki ang hinabol natin. Madaling nag-adjust ang ating mga bagong players kay new coach Matt Makalintal at naiparambam natin sa katunggali ang Davao Cocolife system. Dasal , determinasyon at suporta ng management ang susi ng tagumpay”, wika ni Alao na nagpasalamat din kay manager Dinko Bautista, at basketball operation head Bhong Baribar.

“Experience dictated the game” , pahayag naman ni COCOLIFE SVP Ronquillo.(Danny Simon)